
Hindi napigilan na maging emosyonal ni Sparkle actress Elijah Alejo nang balikan ang hamon na pinagdaanan niya bilang breadwinner ng pamilya.
Sa recent podcast episode ng Updated with Nelson Canlas, ibinahagi ng aktres ang pagsubok na kanyang pinagdaanan bago nakamit ang kanyang break sa dating afternoon drama series na Prima Donnas, kung saan gumanap siya bilang Brianna.
“Naging super challenging po 'yung life ko before Prima Donnas kasi kumbaga ako po 'yung breadwinner. So, talagang no'ng wala pong pumapasok sa amin no'n na work gano'n talagang iniisip ko na, 'Hala, paano 'to? Paano 'yung school ko? Paano 'yung kakainin namin? Paano 'yung gastos? Paano' yung--kasi nagre-rent lang po kami--Paano 'yung gastusin sa bahay, ganyan. Paano babayaran 'yung rent,' kuwento ng 18-year-old actress.
Sa murang edad ay iniisip na ng teen actress kung paano makakatulong sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
“Hindi naman na po makakapagtrabaho si mommy kasi cancer survivor po kasi siya. So talagang I only have me rin and umaasa rin po sa akin si mom,” saad niya.
Kaya naman para kay Elijah, isang malaking biyaya ang mapabilang sa Prima Donnas dahil ang oportunidad na ito ang nakapagbigay sa kanya ng regular na kita.
Aniya, “Napakalaking blessing po sa akin ng break ko sa Prima Donnas kasi parang okay hindi ko na kailangan masyado isipin 'yung mga gastusin, hindi ko na kailangan masyadong isipin 'yung paano 'yung ganito, paano 'yung ganiyan. Paano namin masu-survive 'yung another month kasi mayroon na akong regular show. So, meron na po akong regular income.”
Panoorin ang buong Updated with Nelson Canlas podcast episode sa video na ito.
Ngayong 2023, mapapanood na si Elijah sa GMA Afternoon Prime series na Underage, kung saan gumaganap siya bilang ang bunsong si Chynna Serrano. Kabilang din sa lead stars ng serye sina Sparkle actresses Lexi Gonzales at Hailey Mendes.
Subaybayan ang Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:25 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
KILALANIN PA SI ELIJAH ALEJO SA GALLERY NA ITO.