
Magkaaway man sa Prima Donnas ang kanilang mga karakter na sina Donna Marie at Brianna, nilinaw ni Elijah Alejo, na gumaganap bilang Brianna, na hanggang camera lang ang kanilang awayan ni Jillian Ward, na gumaganap naman bilang Donna Marie.
Sa kanyang mukbang Q and A vlog, pinaliwanag ni Elijah na hindi nila pinapatamaan ang isa't isa sa Twitter.
“Ang masasabi ko lang sa mga nagsasabi na magkaaway kami ni Jill, ang i-issue n'yo sobra,” paliwanag ni Elijah.
“Hindi nga kami magkaaway, e. Nung nakita namin 'yun, nag-usap kami, natatawa lang kami.
“Mema lang 'yung mga tine-tweet namin sa Twitter. Biglang sasabihin n'yo magkaaway kami, nagpaparinigan kami sa Twitter.
“Parang, saan niyo naman nakuha 'yung idea na 'yun, 'di ba?”
Sa katunayan, tinawag pa ni Elijah na 'best friend' si Jillian Ward noong kaarawan nito.
Sulat ni Elijah sa kaniyang mensahe, “Always remember na I will always be your shoulder to cry on kahit ako ang nagpapaiyak sa 'yo sa Prima Donnas.”
Pansamantalang hindi napapanood ang Prima Donnas dahil tinigil ng GMA Network ang produksyon nito dahil sa banta ng COVID-19.
Mapapanood ang Onanay, na pinagbibidahan nina Mikee Quintos, Kate Valdez, Jo Berry, Cherie Gil, at Ms. Nora Aunor, sa timeslot ng Prima Donnas sa GMA Afternoon Prime.
Samantala, mapapanood pa rin ang full catch-up episodes ng Prima Donnas sa GMANetwork.com o kaya sa GMA Network App.