
Iba't ibang matitinding eksena ang napapanood sa coming-of-age drama series na Underage, na pinagbibidahan nina Sparkle stars Lexi Gonzales, Elijah Alejo, at Hailey Mendes.
Sa interview ng GMANetwork.com kay Elijah, ibinahagi ng aktres ang pinakamahirap na eksenang ginawa niya para sa nasabing serye. Sa Underage, bumibida si Elijah bilang Chynna, ang bunso sa tatlong magkakapatid na Serrano sisters.
Ayon sa Kapuso teen actress, ang pinakamahirap na ginawa niyang eksena ay ang pananamantala ni Leo, na ginagampanan ni Sparkle actor Nikki Co, kay Chynna.
“During that time, mayroon din po akong sugat sa legs no'n so ang sakit po talaga ng legs ko and ano'ng oras po namin shinoot 'yun. Medyo mahirap po kasi masikip sa car pero good thing we pulled it off kasi talagang naka-guide rin po sina Direk, 'yung mga boss po namin, 'yung mga producer, talaga pong hands-on sila. Si Nikki naman po, maalaga rin po sa akin during the scene,” pagbabahagi niya.
Sa isa pang panayam sa 18-year-old star, sinabi niyang nakatulong ang pagiging komportable nila ni Nikki sa isa't isa para magawa ang kanilang mabibigat na eksena.
Kuwento ni Elijah, “Nakatulong po talaga 'yung pagiging comfy namin ni Nikki sa isa't isa. When we first met kasi parang nagkakahiyaan pa siyempre. But then noong nag-lock-in [taping] po kami, nagka-usap po, nagkukuwentuhan, nagba-bonding, so na-build po namin 'yung bond. And lagi po kaming nagkukuwentuhan kapag wala kaming ginagawa. So that really helped po para magawa namin 'yung heavy scenes namin together.”
Patuloy na subaybayan ang mga tumitinding eksena sa Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa GMA Afternoon Prime, Kapuso Stream, at Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.
Maaari ring i-stream ang full episodes ng Underage at ng iba pang GMA shows sa GMANetwork.com o GMA Network App.
SILIPIN ANG STUNNING LOOKS NI ELIJAH ALEJO SUOT ANG IBA'T IBANG GOWNS AT DRESS SA GALLERY NA ITO: