
Maganda ang pasok ng 2024 para sa Kapuso couple na sina Elle Villanueva at Derrick Monasterio dahil nagsimula na ring umere ang kanilang pinagbibidahang mystery revenge drama na Makiling sa GMA Afternoon Prime.
Pero bukod sa pagtutok sa takbo ng kanilang mga showbiz career, plano rin nina Elle at Derrick na mag-invest sa negosyo at lupa ngayong taon.
Sa isang panayam, ibinahagi ng celebrity couple na gumawa sila ng vision board para sa 2024.
Para kay Derrick, mas magiging maingat siya ngayon sa financial investment upang makaiwas sa mga scam.
Aniya, “Galingan lamang ang mga financial investment kasi ang daming times ko na rin before na na-scam. Grabe ang daming masasamang tao na lolokohin ka talaga, lalo ngayon. Very gullible pa naman akong tao. So, ngayon ang dami ko nang natutunan.”
Para naman sa aktres na si Elle, gusto niyang makabili ngayong taon ng lupain.
“My biggest plan, gusto ko lang bumili ng lupa. 'Yun 'yung pinaka-goal ko this year din. I want to invest sa lots,” ani Elle.
Dagdag pa ni Derrick, maganda umano na mag-invest habang sila ay mga bata pa.
“Mas maganda mag-enjoy kapag marami kang pera, kapag marami kang investments, kapag marami kang ano. By the time na 40, 50, halimbawa wala na tayo sa showbiz, doon na tayo mag-travel, doon na natin enjoy-in 'yung kinita natin,” anang aktor.
Samantala, panalo naman sa TV ratings ang pilot week ng Makiling. Patunay rito ang 6.5 na ratings na nakuha ng serye sa pilot week nito na inilabas na preliminary at overnight data ng NUTAM People ratings.
Sa naturang pilot episode ng serye, ipinakilala na ang mga karakter nina Elle at Derrick bilang sina Amira at Alex na simpleng namumuhay sa paanan ng bundok Makiling.
Sa unang bahagi ng episode, ipinakita na rin ang hindi magandang sasapitin ni Amira sa kamay ng mga ganid na “Crazy 5.” Ito ay ginagampanan nina Myrtle Sarrosa, Kristoffer Martin, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro.
Ang Makiling ay mula sa produksyon ng GMA Public Affairs na siya ring gumawa ng Lolong, The Write One, at Owe My Love.
RELATED GALLERY: Derrick Monasterio and Elle Villanueva celebrate their newest achievement in style