Article Inside Page
Showbiz News
Parehong handlers nina Elmo Magalona at Janine Gutierrez ang kanilang mga ina na sina Pia Magalona at Lotlot de Leon. Kasing tapang din kaya ng mga tunay nilang nanay sina Lumeng at Stella ng 'Villa Quintana'?

Bukod sa pagiging bida sa
Villa Quintana, may ilan pang similarities sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez.
Isa na rito ang pagiging handlers nila ang kanilang mga ina.
Nang pumasok si Elmo sa showbiz ay tumayo na bilang manager niya ang inang si Pia Magalona. Samantala, si Lotlot de Leon na rin mismo ang nag-manage sa anak na si Janine mula nang mag-umpisa ito sa industriya noong 2011.
Isa pang similarity nina Elmo at Janine: Sa
Villa Quintana, parehong galit sa characters nila na sina Isagani at Lynette ang mga ina nila sa naturang show, sina Lumeng at Stella.
Ang ina ni Isagani na si Lumeng (Sunshine Dizon) ay galit sa anak dahil siya ang bunga ng maling pagmamahal niya kay Robert (Paolo Contis). May pagmamahal namang nararamdaman si Isagani mula kay Lumeng ngunit mas nararamdaman niya ang bigat ng loob ng ina sa kaniya.
Sa panig ni Lynette, galit na galit talaga sa kanya ang tumatayong ina na si Stella (Maricar de Mesa) dahil hindi siya nito tunay na anak. Kinailangan kasing mag-ampon nina Stella at Robert noon dahil hindi sila magkaanak ng asawa.
Kahit na malalaki na sina Isagani at Lynette ay palagi pa rin sila sinasaktan ng kanilang mga ina. Laging pinapalo si Isagani ni Lumeng samantalang si Lynette ay nakatitikim ng sampal mula kay Stella.
Nang ma-interview ng GMANetwork.com sina Elmo at Janine, sinabi nila na malayo sa kanilang mga ina ang characters nina Lumeng at Stella.
“Ibang-iba po ‘yung mommy ko saka si Stella kasi ‘yung mommy ko po hindi nananampal at saka maalaga po siya tsaka mahal niya ako. Si Stella po kasi hindi talaga mahal si Lynette eh. Parang gagawin niya ang lahat para mawala si Lynette sa buhay niya. So talagang wala silang pagkakaparehas,” saad ni Janine.
Kuwento naman ni Elmo, may kaunting pagkakapareho raw sina Lumeng at ang inang si Pia. “Well, may similarities sila sa pagiging strict kasi si Mama may pagka-strict na siya ngayon lalo na sa kids niya. ‘Yun lang naman kasi hindi naman ganoon kalala ‘yung pagiging strict ni Mama, hindi tulad ng kay Lumeng na pinapalo pa ako kahit na 18 years old na ‘ko,” aniya.
Subaybayan sina Elmo Magalona bilang Isagani at Janine Gutierrez bilang Lynette sa
Villa Quintana, weekdays after
Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.
- Text and Photo by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com