
Sa pagbisita ni Eman Bacosa-Pacquiao, anak ng People's Champ na si Manny Pacquiao, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, November 19, ay napaamin siya kung sino ang kanyang Pinoy celebrity ultimate crush. Ito ay walang iba kundi si Star of the New Gen Jillian Ward!
Tinanong rin ng batikang host sa "Fast Talk" segment si Eman kung gaano niya kagustong ligawan ang Star of the New Gen kung susukatin niya ito mula one to 10. Sagot ng batang boksingero, nasa five.
Mensahe pa ni Eman kay Jillian, “Hi po. Sana magkita po tayo soon.”
Sa pagpapatuloy ng panayam kay Eman, inamin ng batang boxer na marami na rin ang nanligaw sa kaniyang mga kababaihan. Ngunit wika niya, ayaw niya ng ganoon dahil hindi iyon ang nasa plano ng Panginoon.
“Ayaw mo nang girls ang lumiligaw sa'yo?” paglilinaw ni Boy.
“Opo,” pagkumpirma naman ni Eman.
Naging matunog ang pangalan ni Eman nang lumahok siya sa “Thrilla in Manila 2,” isang boxing competition na inorganisa ng ama niyang si Manny Pacquiao kamakailan. Dito ay napanatili niya ang kaniyang magandang fight record na seven wins, zero losses, one draw, at four knockouts.