
Mula sa pagiging young boxer, pinasok na rin ni Eman Bacosa Pacquiao ang showbiz at opisyal na siyang pumirma sa Sparkle GMA Artist Center noong Martes, November 19.
Agad namang nakatanggap si Eman ng mainit na suporta sa simula ng kanyang pag-aartista, lalo na mula sa kanyang mga magulang.
Sa isang exclusive interview ng GMA Network.com, ibinahagi ng rising star kung gaano siya nagpapasalamat sa kanyang mga magulang pati na rin sa natatamasa niyang blessings ngayon.
“Napaka-blessed and proud po nila and thankful po sila kay God na hindi po kasi namin 'to pinlano e,” pahayag niya.
Inamin din ni Eman na nabigla ang kanyang mga magulang pati na rin siya sa dumating na oportunidad sa showbiz.
Dagdag pa niya, “Thankful lang po kami na nandito po kami ngayon.”
Naniniwala naman si Eman na ang kanyang pag-aartista ay isa sa plano ng Panginoon para sa kanya.
“I think this is where God put me, so I'll follow His plans, not actually my plan,” aniya.
Sa simula ng kanyang acting career, nabanggit niya na gusto niyang makatrabaho si Dingdong Dantes dahil iniidolo niya ang Kapuso actor at napapanood na niya ito simula noong bata pa siya.
Si Eman ay anak ng Filipino Boxing Legend na si Manny Pacquiao at ni Joanna Rose Bacosa.
Llumaban siya sa "Thrilla in Manila 2" noong October 29, isang event na ginanap bilang paggunita sa makasaysayang "Thrilla in Manila," na idinaos sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Si Eman ay lumabas na sa iba't ibang Kapuso shows, kabilang ang Fast Talk With Boy Abunda, at isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, kung saan nakilala niya si Piolo Pascual, na diumano'y kahawig niya ayon sa netizens.
RELATED GALLERY: Meet Eman Bacosa Pacquiao, a rising boxing champ