
Naging malaki ang epekto ng pagpanaw ng batikang broadcaster na si Mike Enriquez noong 2023. Sa paglisan niya ay sinalo naman ng isa pang batikang broadcast journalist na si Emil Sumangil ang naiwan niyang pwesto.
Sa paghalili ni Emil sa namayapang broadcaster, maituturing ba niya itong blessing o pressure, lalo na at malaking puwang ang naiwan ni Mike?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, October 22, sinagot ito mismo ni Emil. Aniya, isang blessing ang mapunta sa iniwang pwesto ni Mike.
“Unang-una, sa pagkakataon, sa tiwala na ibinigay sa atin ng mga amo ko, siyempre ng mahal na Diyos ama,” sabi ni Emil.
Inamin din nito na naroroon pa rin naman ang pressure lalo na at alam niyang hindi niya kayang tapatan o higitan si Mike. Saad pa ni Emil, may sariling istilo ang namayapang broadcaster na hindi niya magagaya o makukuha.
“Pero ako'y naniniwala na binigyan tayo, Tito Boy, ng mahal na Diyos ama ng kaniya-kaniya nating talento at ito ang ginagamit ko, sa kahit papaano, para mapunan 'yung kaniyang naiwan, at sana, na-appreciate ng taong bayan sa kasalukuyan,” sabi ni Emil.
Samantala, ibinahagi naman ni Emil ang isang bagay na natutunan niya mula kay Mike, lalo na pagdating sa pagbabalita.
Ani Emil, “Isa sa mga pangaral sa'kin ng nasirang Mike Enriquez, kapag magbibitiw ka ng pangungusap, ng balita, tiyakin mo na mayroong authority sa paghahatid mo ng balita. Ikaw dapat ang pinapakinggan, ikaw dapat ang masusunod.”
Dito nilinaw niya na kailangan ang power at pwersa sa boses ng tagapagbalita upang maisip ng mga tao na sila ang may awtoridad at dapat paniwalaan tungkol sa kanilang mga binabalita.
BALIKAN KUNG SINO NGA BA SI MIKE ENRIQUEZ SA PANINGIN NG KANIYANG MGA KATRABAHO SA GALLERY NA ITO: