
Kilala ngayon si Kapuso Action Man Emil Sumangil bilang isa sa mga hinahangaan na mamamahayag sa radyo at TV. Ngunit marami ang hindi nakakaalam na malayo ang karerang napili niya mula sa kaniyang pamilya ng mga inhinyero at arkitekto.
Sa panayam sa kaniya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, October 22, inamin ni Emil na marahil ay wala lang talaga siyang hilig sa math kaya siya nalihis ng karera mula sa kaniyang pamilya.
“Nu'ng ako po'y nag-aabang ng employment noon after graduation ng college, pumasok lang po ako bilang driver sa pamilya po namin. Sabi kasi ng tatay ko, 'Malilibang lang 'yan kung saan-saan, [baka] tamarin. Hayaan mo na munang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pagmamaneho,'” sabi ni Emil.
Saad pa ni Emil ay hinintay niya talaga na makapasok sa broadcast industry kaya't hindi siya sumubok mag-apply ng ibang trabaho.
“Wala na ho akong ibang pinangarap pa, Tito Boy, kundi maging reporter ho, dito po sa field na ito,” sabi ni Emil.
ALAMIN KUNG PAPAANO HINARAP NI EMIL ANG DEATH THREATS NA NAKUKUHA SA GALLERY NA ITO:
Samantala, napag-usapan din nila ang pumanaw na broadcaster na si Mike Enriquez, at kung ano ang naramdaman ni Emil tungkol sa paghalili niya sa 24 Oras para dito.
Ani Emil, “Blessing. Unang-una, sa pagkakataon, sa tiwala na ibinigay sa atin ng mga amo ko, siyempre ng mahal na Diyos ama. 'Yung pressure, nandodoon, Tito Boy, kasi hindi ko naman kayang tapatan, hindi ko naman kayang higitan.”
Ngunit ang paniniwala ni Emil, binigyan ng Diyos ang bawat tao ng kani-kanilang talento at ito ang ginagamit niya ngayon sa pagbabalita.
“Ito ang ginagamit ko, sa kahit papaano, para mapunan 'yung kaniyang naiwan at sana, na-appreciate ng taong bayan sa kasalukuyan,” sabi ni Emil.
Panoorin ang panayam kay Emil Sumangil dito: