
Aminado si Empoy na simula nang maging hit ang pelikula nila Alessandra de Rossi, ang Kita Kita, malaki na ang nabago sa kanyang karera bilang isang comedy actor.
Sa media conference ng bago niyang pelikulang Kidnap for Romance, pabirong inilahad ni Empoy ang mga pagbabago sa kanyang buhay.
“Ayun, nagpapalit na ako ng sapin sa kama… Hindi, maraming nabago. Dati, mahilig kasi ako sa street food…. Maraming nabago dahil sa mga nangyari sa akin until now. Dati wala akong pakialam, kakain lang ako ng street food, tusok-tusok. Pero ngayon kasi, dumating yung pagkakataon na parang yung mga tao nakalabas ang camera, pati yung pagsubo mo, yung dami ng sibuyas na nakuha mo, sobrang nakatutok. I was scared at that time,” kuwento niya.
Nabanggit din niya na hindi niya inaasahan ang mga dumarating na oportunidad sa kanya.
“Kusang dumarating po yung blessings, projects, yun po ang malaking pasasalamat ko sa mga nagtitiwala po.”
Isa sa mga oportunidad na ito ay ang maging leading man ni Cristine Reyes sa Kidnap for Romance, na isang reunion project para sa dalawang aktor.
Ayon kay Empoy, nang malaman niya ang tungkol sa kanilang proyekto, “Kinilig po ako.”
Pagkatapos ay hinirit niya, “Noong time pa lang po na sinabi sa aking magkakasama kami sa work, nag-toothbrush ako ng todo until the end of our shooting, every day.”
Komento naman ni Cristine, “Fresh breath talaga 'yan. Kaya kapag naging endorser 'yan ng toothpaste, maniniwala talaga ako.”
Kaugnay ng pagiging komedyante niya, tinanong si Empoy kung naniniwala siyang mas lapitin ng mga babae ang lalaking marunong magpatawa.
Sagot ng komedyante, “Totoo po 'yan kasi halos lahat ng mga kakilala kong komedyante… yun!
Patuloy niya, “Ang taong nakakapagpasaya, madaling mahalin. Kahit sino ka pa, kahit ano pa ang hitsura mo, basta nakakapagpasaya ka, may magnet ka sa mga tao. Hindi lang sa chicks kundi sa lahat ng mga tao.
“Hindi ko po sinasadya pero kusa po sila, e. Maraming ganyan, yung patay na patay sa akin, pero hindi ko talaga sinasadya. Pero yun naman, naipagpipilitan naman nila ang sarili nila.”
Sa ngayon, nanatiling single daw si Empoy matapos masaktan sa huli niyang relasyon.
“Sinaksak po ako, e,” biro niya.
Pagkatapos, nilinaw niya na matagal na siyang naka-move on dito, “Ine-enjoy ko lang yung buhay ko sa mga ginagawa ko at sa family ko.”