
Sa panahon ngayon, halos karamihan ng celebrities ay masusundan ng kanilang masusugid na tagahanga sa social media. Ngunit may ilan pa rin sa kanila ang tila umiiwas na gamitin ito sa kabila ng pagiging popular sa publiko.
Isa na rito si Epy Quizon, na humintong gumamit ng social media noong 2017.
"I decided to take social media out kasi I get depressed," sabi ng actor-director nang makausap siya ng ilang piling entertainment media kamakailan.
Patuloy na paliwanag niya, "Nade-depress ako kapag nakikita kong nag-aaway ang mga tao. Minsan, kapag may ipo-post ka, 'tapos may titira sa 'yo dahil may pinost ka. Sa loob-loob ko naman, hindi naman ako ang nag-post niyan, shinare ko lang, 'tapos magagalit kayo sa akin. I mean, the world became small."
Ito rin daw ang nagtulak kay Epy at kanyang mga kasamahan sa Epyq Films at Local Sons Entertainment na ilunsad ang bagong MagkaisaPH advocacy campaign noong Martes, September 21.
Ayon sa Voltes V: Legacy actor, layunin ng kanilang adbokasiya na isulong ang kapayapaan.
Pahayag ng aktor, "Isa na rin yun kung bakit dito sa MagkaisaPH sinama ko rin. I'm sure marami ring nade-depress kapag nasa social media sila.
"Lalo na ngayon, pandemya, makikita nila yung kaibigan nila bumibili ng Louis Vuitton, 'tapos sila walang pambili ng pagkain, di ba? I don't blame people for posting what they have.
"Pero sa akin lang, I didn't see the reason anymore why I should [be using social media] besides promoting what I do. Again, I don't want to promote what I do naman because what I do is mas collaborative."
Dagdag pa niya, "So with MagkaisaPH, sabi ko, dito ako magbubukas ng social media but I will have my son to handle it for me. Hindi na talaga ako marunong, maski nga sa Zoom nahihirapan ako. So, sabi ko I'll have my son Sandro to help operate my social media for me."
Tinanong ng GMANetwork.com kung may plano siyang muling gumawa ng personal account sa social media para i-promote ang MagkaisaPH.
Sagot ni Epy, "I'll use this as my social media, MagkaisaPH, and of course, the social media account of Epyq Films. People will be handling my social media for me because, honestly, I get lost."
Pagkatapos, inamin din niya, "Ako rin kasi, you know, madali akong tamaan. May magsabi lang sa akin na, 'Ang baduy mo, Epy,' ano na, 'Ay, baduy daw ako.' Dinadala ko siya, I cannot just put it aside. Ano ko, marupok ako in terms of social media, so I don't think I am for that."
Sa pamamagitan ng MagkaisaPH, sabi ni Epy, maitutuon lang niya ang kanyang pansin sa layunin nito.
Aniya, "Less personal life but more on the dream that my father had. Yung dream ng tatay ko na makatulong sa bayan.
"Siguro yun lang, itutuloy ko lang ang dream niya na makatulong maski hindi ka umapak sa pulitika."
Samantala, muling nilinaw ni Epy na wala siyang anumang plano na pasukin ang pulitika.
Sa kanyang palagay, mas mabuting sundin ang yapak ng kanyang ama, ang yumaong Comedy King na si Dolphy.
"Palagi nga niyang sinasabi na, 'Ang daling manalo, pero anong gagawin ko kapag nanalo ako.' Same here. I'm a storyteller, I'm not a politician.
"Ilang beses na akong pinatakbo, kung saan-saan. Meron pang yung 'Quizon para sa Quezon City,' may mga slogan pang pinipresenta sa akin, pero sabi ko, okay lang ako. I'll be a storyteller and that's what I'll do."
Nauna na ring nabanggit ni Epy na bagamat may mga kaibigan siyang tatakbo sa eleksyon sa 2022, wala siyang ieendorso sa mga ito.
"Kumukha nito, halos lahat kaibigan ko ang tatakbo, lahat ng mga nagpaparamdam mga kaibigan ko. So, I will not be standing on one side but will mediate the common ground for everyone to have a better communication. That's where I will be. Sabi nga ng tatay ko, madaling maging hari, pero we're born as jesters, so I will remain as a jester."