
Ibinahagi ng aktor at direktor na si Eric Quizon ang kanyang karanasan bilang anak ng nag-iisang Comedy King na si Dolphy.
Sa kanyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, April 10, inamin ni Eric na nakaramdam siya ng parehong kaginhawaan at pressure dahil nakilala rin siya bilang anak ni Dolphy.
“It was easy for me because everything was laid out on a silver platter. Parang ayun na, sige na,” sabi ni Eric.
Ngunit hindi niya itinanggi na nakaramdam din siya ng pressure dahil sa mga inaasahan ng publiko.
“However, may pressure rin kasi parang 'Ah, anak lang 'yan ni Dolphy. Hindi niya mapapantayan daddy niya,' which is like parang kailangan ko pang galingan. So, parang nagkaroon ng point na ganon,” paliwanag niya.
Ibinahagi rin ng aktor at direktor na pinili niyang hindi tahakin ang komedya upang makaiwas sa yapak ng kanyang ama.
“That's why, hindi talaga ako nag-comedy. It was more of like, I went around the matinee idol tapos nag-aral ako. That's why kasi para maiba. I want it to be away from that,” aniya.
Gayunpaman, dahil sa koneksyon niya sa kanyang ama, hindi pa rin naiwasang mapunta siya sa komedya.
Bumida si Eric sa ilang comedy films tulad ng I Will Survive, Crying Ladies, Bahay Kubo, at Nobody, Nobody But Juan.
Naging direktor din si Eric ng ilang pelikula tulad ng Pahiram ng Isang Umaga, Hihintayin Kita sa Langit, Pusong Mamon, at Langit sa Piling Mo, na nakatanggap ng local at international awards.
RELATED GALLERY: The ultimate Quizon family throwback gallery