
Hindi maikakailang isa si Esnyr sa pinakasikat at matagumpay na content creators sa Pilipinas.
Mula sa pagiging viral internet star hanggang sa pagpasok sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition bilang housemate, patuloy ang suporta ng netizens sa kanya.
Ngunit sa kabila ng kasikatan, marami pa rin ang hindi nakakaalam ng tunay niyang pinagdadaanan, lalo na sa aspetong pinansyal.
Sa panayam ni Ogie Diaz para sa kanyang YouTube vlog, hindi pinalampas ni Esnyr ang pagkakataong ikuwento ang kanyang totoong estado sa buhay.
Gaya raw ng sabi niya sa loob ng PBB house, nagkaroon siya ng mga utang nang mamuhay siya rito Maynila, gayundin ang kanyang pamilya sa Davao.
Aminado si Esnyr na marami ang nag-aakalang mayaman siya dahil sa dami ng views ng kanyang videos at showbiz projects. Pero ang totoo, tulad ng karamihan, dumaan din siya sa maraming pagsubok at pagkakamali.
"Naging financial irresponsible din po ako. Kasi, hindi naman po talaga tayo perfect. Eh, lalo na po ako nu'ng galing po ako sa probinsya, first time ko nakahawak ng pera," aniya.
"Opo, gastos po talaga. Kaya nag-end up na wala akong naipon. 'Yun 'yung pumasok po ako sa PBB. Kasi, gusto ko po na malaman ng tao po talaga 'yung story ko, at 'yung mga pinagdadaanan ko din po behind the characters na nakikita nila at 'yung content po na nakikita nila online."
Related gallery: The flourishing career of content creator and social media star Esnyr
Isa sa mga naging sanhi ng maling akala ng publiko ay ang kanyang dating condo unit, na inuupahan niya ng PhP 75,000 kada buwan.
Inamin ni Esnyr na tumira siya noon sa isang mamahaling apartment, ngunit may praktikal na dahilan umano ito.
"'Yung time po na sobrang dami po kasi namin props sa ginagawa ko pong content. Tapos dati po, nagwa-one bedroom lang po talaga ako," paliwanag niya.
"Ayun sobrang dami tapos may kasama pa po ako sa bahay... so kailangan ko po mag-upgrade ng bigger space... Tapos 'yung pinaka easiest way is nasabi sa akin ng broker na meron daw available na unit sa taas, sa same building."
Ngunit sa bandang huli, napagtanto niyang isa itong pagkakamali.
"Isa po 'to sa mistake, honest mistake, na ginawa ko po. Kasi at that time, nu'ng in-offer po sa akin noon, I have enough money. Pero hindi ko po na-realize na hindi ko siya kayang mapapanindigan talaga in the future," kuwento niya.
"Kasi, feeling ko po kasi at that time, spend lang ako nang spend na may babalik at may babalik lang sa akin. Kaya super honest po talaga ko na naging mali ko po 'yun at isa sa mga pinagsisisihan ko po talaga 'yun. Kaya siguro nami-misjudge ako ng iba or naguguluhan 'yung iba. Kasi bakit nakikita po nila doon sa PBB nga na lumalaban ako for the money. Akala nila lavish 'yung buhay ko po dito."
Dahil sa mga hamong pinansyal, kinailangan nilang lisanin ang unit matapos ang kontrata.
Ngayon, mas maingat na si Esnyr sa kanyang desisyon sa pera at mas pinipili ang pagiging responsable.
"Akala ko po talaga dati na laging may darating na money. Pero darating din po pala 'yung araw na walang dadating. Kaya kung may chance ka na mag-ipon, you save it for the rainy days. 'Pag darating po 'yung araw na babawiin sa'yo ni Lord 'yung opportunity ganyan, at least may naipon ka sa sarili mo."
Panoorin ang kabuuan ng panayam dito: