
Kumpleto ang support system ni Miss World Philippines 2017 candidate #9 na si Winwyn Marquez sa Miss World Philippines Charity Gala Night kagabi (August 31). Naroon ang kanyang ina at boyfriend na si Mark Herras para samahan at suportahan ang aktres.
Isa si Wyn sa finalists ng talent competition ng nasabing pageant at talaga namang nagustuhan ng mga nanood ang buwis-buhay na modern dance performance ng Kapuso actress.
“Siyempre, anak ko [‘yun], galing! Natatuwa ako dahil ‘Wow!’ talagang nasayaw niya nang malinis ‘yung pinili niyang sayaw. Sabi ko, ganyan ako noong araw, pero mas magaling siya,” saad ng celebrity mom na si Alma Moreno sa ekslusibong panayam ng GMANetwork.com.
Aminado ang aktres na kinabahan siya sa sayaw ni Wyn, “As a mother, sobrang nerbiyos! Parang ako ‘yung lumalaban sa entablado.”
Umaasa ang aktres na mapanalunan ng kanyang anak ang talent competition kagabi, “Sana Lord kasi ‘pag nanalo diyan [ay] kasama na kaagad sa Top 15. Siyempre, nanay ako, gusto ko ‘yung pangarap ng anak ko ay matupad niya, [ang] makakuha ng crown.”
Buo rin ang tiwala ni Alma sa plano ng Panginoon para sa kanyang anak na ginagawa ang lahat para manalo sa kompetisyon.
“Lagi kong sinasabi sa kanya na ‘wag kalimutan mag-pray pero tandaan mo anak, andiyan ka para lumaban at manalo pero si Lord pa rin. Galingan mo pero siyempre laging mayroong plano ang Panginoon sa lahat,” pagtatapos ng aktres.