
Bilang isang hands-on mom, sinisugurado ni Chariz Solomon ang kapakanan ng kanyang mga anak na sina Apollo at Ali.
Aminado siyang mahirap pagsabayin ang pagiging mommy at pag-aartista lalo na’t malaking oras ang ginugugol dito. Bukod pa rito, may food business rin siyang pinagkakaabalahan.
Sa isang eksklusibong panayam, inamin niyang nagkaroon siya ng health issues nang dahil sa stress na nagdulot ng pagkalagas ng kanyang buhok. Sa kasamaang palad, kinailangan niya muna i-give up ang kanyang negosyo para ipagpatuloy ang pagte-taping para sa Sirkus.
Saad niya, “Ginive up ko siya [business] bandang gitna kasi parang na-stress ako na talagang [naglagas] ‘yung hair ko, halos naubos. So, parang sabi ko, ‘di ko naman puwede i-give up itong show kasi siyempre may kontrata ‘to."
Kasosyo niya sa negosyo ang kanyang kapatid na si Fourth Solomon at naiintindihan naman daw nito ang kanyang kalagayan.
Aniya, “It’s clear naman with my kapatid na [Sirkus] is my priority. Ito naman nagfi-finance nung business. Hindi ko naman kinuha ‘yung shares ko parang sabi ko lang sa kapatid ko, hindi muna ko magiging hands-on kasi ayoko din na nale-let down ko [siya] na hindi ko nagagawa ‘yung work ko nang maayos, at sobrang magulo 'yung isip ko, plus ‘yung kids ko pa. So, nahihirapan kami lahat. ‘Yung kapatid ko naman is full time sa [business]. Kayang-kaya naman nila ng girlfriend niya.”
Isang dahilan din kung bakit niya ipinagpatuloy ang Sirkus ay dahil na rin sa kanyang mga anak.
“Matutuwa ‘yung mga anak ko, may powers ako. Kasi gusto nila ‘yung Encantadia e, although, I [didn’t] let them watch kasi hindi naman talaga siya 100% pangbata. So, may mga saksakan, espadahan. Natuwa ako na meron silang mapapanood na andun pa ‘yung mama nila.”