
Pansin kina Boobay at Tekla na mas pinagtatawanan nila ang kanilang mga sarili kaysa manlait ng kanilang guest o audience.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng fun-tastic duo na naniniwala silang hindi kailangang ibang tao ang pagtawanan para makapaghatid sila ng comedy.
Hindi tulad ng ibang comedians, intentional kina Boobay at Tekla na mas piliin ang self-deprecating humor.
Ganito ang uri ng comedy na napapanood rin sa The Boobay and Tekla Show.
Sambit ni Boobay, “Walang ganun na kailangan may mararamdaman 'yung isa. Lait-lait, hindi ako naniniwala sa ganun. Kasi sabi ni Mr. Allan K, hindi mo kailangan manlait para makapagpatawa ka.
“'Yun ang hindi ko talaga makalimutan na laging nasa utak ko. Hindi mo kailangan magmura para makapagpatawa, isa pa 'yun.
“Kahit sa amin na lang ['yung panlalait], yes, kasi magagawan namin ng paraan 'yan agad-agad.
“At the same time, talagang hindi ka sensitive sa mga ganyan dahil alam mong for the sake of fun, mapasaya 'yung audience mo, mga manonood."
Sang-ayon din dito si Tekla, na nagsasabing may iba't ibang paraan ng pagpapatawa.
Aniya, “Itong TBATS hindi 'to degrading kumbaga. Maraming form ng comedy or maraming style ng comedy na hindi mo kailangang makapanlait to make people laugh, or use people or degrade people or manlait ka para nakakatawa.
“There's millions, there's thousands of ideas pagdating sa comedy.”
Kung hindi man daw minsan maiwasang makapagbiro tungkol sa ibang tao, paalala rin ni Tekla, “Kailangan meron kang bawi na tinatawag. Kailangan pagdating sa dulo, instead na magalit 'yung binibiro mo, mapapangiti mo dapat.”
Ito ang mga nagustuhan ng audience ng fun-tastic duo.
Kaya naman, ang kanilang patok na digital comedy program na The Boobay and Tekla Show ay mapapanood na rin sa TV simula ngayong Linggo, January 27, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.