
Dahil pinaghalong action, drama at suspense ang upcoming GMA Afternoon Prime series na Bihag, dalawang magagaling na direktor ang kinuha para bigyang buhay ang kuwento nito.
Para daw sa isa sa mga lead stars nitong si Jason Abalos, kaabang abang ang kalalabasan ng serye dahil sa dalawang bigating direktor nito.
"Ang tawag nga nila, action drama. Asahan niyo na [maganda ang kalalabasan] kasi nandiyan si Direk Toto Natividad. Si Direk Neal del Rosario, nandiyan din. Parang hati sila eh--'yung drama kay Direk Neal, 'yung action kay Direk Toto," pahayag ni Jason Abalos sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Hindi rin daw nakakalito magkaroon ng dalawang direktor dahil parehong nagtitiwala ang mga ito sa kanila bilang mga aktor.
"Si Direk Neal at si Direk Toto, may tiwala naman sa amin 'yung mga direktor. Kung ano 'yung nabuo niyong karakter na gagampanan niyo, nagtitiwala naman sila na kaya naming i-deliver. Pero siyempre kung meron mang naliligaw na kami ng [ginagawa], at saka kami gina-guide ng dalawang direktor na kasama namin," dagdag pa ni Jason.
Bukod kay Jason, kabilang din sa Bihag sina Max Collins, Mark Herras, Neil Ryan Sese at Sophie Albert. Abangan ito sa GMA Afternoon Prime!