
Sa pagbabalik ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa Super Ma'am, bibigyang buhay niya si Ms. Minerva Henerala, ang geeky History teacher na madalas na binu-bully ng kanyang mga estudyante.
“Dito sa [show], ang mga estudyante ko hindi talaga nakikinig sa akin. ‘Yung buhok ko [ay] sinusunog tapos hinahagisan [at] pinagtatawanan nila ako. Ganun sila kalupit sa akin dito!” kuwento ng Kapuso star sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com tungkol sa kanyang karanasan sa taping.
Pero hindi raw susuko ang kanyang karakter, “For sure, mare-realize nila na kahit ano'ng mangyari, ang teacher nila ang parang second mom nila na ginagawa lahat para sa kanila. In fairness, may estudyante namang naging mabait dahil sa akin dito sa karakter [ko].”
Inihahandog ng aktres ang serye sa mga estudyante na makakapulot ng aral at lalong-lalo na sa na mga ulirang guro.
“Malalaman nila kung ano'ng halaga ng isang teacher, paano magpahalaga sa kapwa at higit sa lahat, kahit ano mang pisikal na anyo, kailangan [ay] nirerespeto mo ang kada tao talaga,” pagtatapos ni Yan-Yan.
Good teacher na, fantastic pa! Walang a-absent sa klase ni Super Ma’am ngayong Lunes na sa GMA Telebabad!