
Masayang bumalik ang singer na si Mark Bautista sa Pilipinas para magtrabaho muli matapos gumanap sa musical na Here Lies Love sa London at sa Seattle.
"I'm part of a new show--a musical variety show ng GMA. 'Yun 'yung comeback na show ko, Studio 7," pahayag niya sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Lalo pa daw niyang ikinagalak ang pagbabalik ng musical variety show sa GMA Network.
"Sa pagkakaintindi ko, siguro mga 4 years ago 'yung last na musical/variety show namin. It's nice na meron ulit platform 'yung mga GMA artists," pahayag ni Mark.
Matatandaang Sunday All Stars ang huling show ng network na naka-focus na kantahan at sayawan. Napanood ito mula 2013 hanggang 2015.
Dagdag pa ni Mark na hindi lang daw para sa mga talents ng network ang show.
"And not just GMA artists--actually 'yung mga independent na artists may iba na silang venue to showcase their talent, their music. This is actually a good thing for everyone and for GMA," aniya.
Bukod kay Mark, tampok din sa Studio 7 si Julie Anne San Jose, Christian Bautista at marami pang iba. Panoorin ito every Sunday pagkatapos ng Daig Kayo Ng Lola Ko.