
Sa gitna ng kanyang regular comedy shows tulad ng Bubble Gang at Pepito Manaloto, naisisingit pa ni Kapuso comedian Michael V ang isa sa kanyang mga passion projects—ang kanyang vlog.
Matagal na raw niyang hilig na gumawa ng mga personal videos kung saan kinukunan niya ang kanyang sarili na tinatalakay ang mga iba't ibang mga bagay.
"Hindi pa nga uso 'yung term na vlogging, nagva-vlog na pala ko. It's just that wala lang channel for that so hindi ko mailabas," kuwento niya sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Pinag-iisipan daw niya kung paano maipakita ang mga early videos na ito sa kanyang vlog ngayon.
"Siguro nga, one of these days, one of the episodes, ifi-feaure ko. Ipapakita ko 'yung mga early vlogs ko noon sa Japan, sa States, at saka kung saan-saan," aniya.
Mahilig daw kasi si Bitoy na magbahagi ng mga bagay na mayroon siya o naranasan niya.
"Ang primary reason for vlogging is, number one—to inspire people para o hindi lang ako ang pwedeng magkaganito, pwede din kayo, number two—self expression. 'Yun ang masarap eh," paliwanag ng komedyante.
Masaya raw siya dahil may bagong platforms tulad ng YouTube kung saan maaaring maglabas ng ganitong mga proyekto.
"It's something different that I've always wanted to do and ngayon sinubukan ko. Parang tamang time itong digital age at meron nang opportunities," ani ni Bitoy.
Abangan ang kanyang vlogs sa official YouTube channel ni Michael V. #BitoyStory.