
Pumanaw na ang character ni Mike Tan sa Ika-6 Na Utos na si Angelo kaya naman tigil na rin sa taping ng tinaguriang highest day-time drama ang Kapuso actor.
Sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com, inamin ni Mike na hindi niya ma-express ang kanyang nararamdaman dahil sa pagkawala sa show na walong buwan nang namamayagpag sa telebisyon ngayon.
Ani Mike, "Ang hirap sagutin kung ano 'yung feeling kasi nawala ka sa show na ang tagal mong pinaghirapan. Hindi ko talaga ma-express eh. Hindi ko alam kung masaya ako o malungkot. Paano ako magiging masaya kung nawala ako sa isang show?"
Pero ayon kay Mike, kahit na malungkot siya na hindi na siya parte ng Ika-6 Na Utos ay nananatili pa rin siyang masaya sa success na nakakamit nito. "Nakaka-proud naman dahil hanggang ngayon tuloy-tuloy pa rin. Masaya ako sa itinatakbo ng show. Masaya ako sa nangyayari sa show," paliwanag niya.
"Bago rin naman matapos ['yung appearance ko sa show], nabigyan ko rin naman ng justice 'yung character ni Angelo," saad niya.
Ano'ng mami-miss ni Mike sa Ika-6 Na Utos? "'Yung kaba ko every time na pumupunta ako sa set. Of course 'yung company ng mga artista. Mami-miss ko 'yung pagtuturo ni Direk Laurice [Guillen] at kapag napapagalitan ako," pagtatapos ni Mike.