
Ipinahayag ni Kapuso Sweetheart Rhian Ramos na pabor siya sa pagpapalabas ng queer love stories sa telebisyon.
Nauuso rin ito ngayon at naipalalabas na sa iba't ibang uri ng platform. Nandiyan ang pagbabahagi ng real life stories ng mga miyembro ng LGBTQ+ at paggawa ng iba't ibang serye na patungkol sa istorya nila.
Source: whianwamos (IG)
Ayon kay Rhian, “realistic” ang paggawa ng ganitong mga kuwento, gaya na lamang ng ginampanan niyang karakter sa katatapos lamang na mini-series na “Truly. Madly. Deadly.” na bahagi ng drama anthology na I Can See You.
Out and proud lesbian ang karakter dito ni Rhian na si Abby, na na-in love sa high school best friend niyang si Coleen, role na ginampanan naman ni Ultimate Star Jennylyn Mercado.
Upang mas mai-portray nang makatotohanan ang karakter ni Abby, nagkaroon ng kissing scene sina Rhian at Jennylyn sa serye.
Ayon kay Rhian, dahil sa pag-ere ng kissing scene nila sa telebisyon, maaaring magbukas ito ng mas marami pang oportunidad para maipalabas ang mga ganitong klase ng love story.
“I think naman na the more we do scenes like this, the more na magiging realistic 'yung mga pinapalabas natin.
“Kasi whether or not ise-censor natin siya, we already know naman na this is real life. Sayang din kung hindi mo i-explore 'yung kwento.
“Bakit 'pag screen handa tayong i-explore lahat? Lahat pinapakita natin kung paano sila na-in love. 'Yung buong kuwento napapakita natin,” aniya.
Dagdag pa ng aktres, “Tapos most of the time 'pag gay roles or lesbian roles, parang 'yung ine-explore lang natin na part du'n 'yung parang mga hindi makatotohanan.
“It's either nagpapatawa lang or kung may landian man, 'yung isa interested, 'yung isa, hindi.
“Kailangan din na maging mas realistic tayo at true to life 'yung mga pinapakita natin na kwento.”
Samantala, nagpapasalamat ang aktres sa mainit na pagtangkilik ng publiko sa sa “Truly. Madly. Deadly.”
“Actually, hindi ko alam kung ano 'yung ie-expect ko kasi alam ko naman na mas nae-excite ang mga tao 'pag matindi 'yung love story. And for us, more on psychological, thriller, something.
“So, I'm just hoping na makita ng iba 'yung nakita ko sa script na napaka-suspenseful and exciting niya. And mukhang nag-work judging dun sa mga reactions,” sabi pa ng aktres.
Tampok sa week-long series sina Dennis Trillo, Rhian, at Jennylyn. Nakasama rin nila sa serye sina Jhoana Marie Tan, Ruby Rodriguez, at Ollie Espino.
Ang “Truly. Madly. Deadly.” ay tungkol sa istorya nina Drew (Dennis), Abby, at Coleen.
High school best friend-turned-enemy ni Coleen si Abby at hindi naging maganda ang huling pagkikita nila.
Makalipas ang ilang taon ay muling nagkrus ang landas nila nang mapadpad si Abby, na isa nang sikat na travel vlogger, sa pinagtatrabahuhang resort ni Coleen.
Sa kasagsagan ng tensyong namamagitan sa kanila ay papasok sa istorya si Drew, ang mahiyain at tahimik na IT technician sa resort, na gumimbal sa buhay nilang dalawa.
Balikan ang mga kapana-panabik na tagpo sa I Can See You: Truly. Madly. Deadly. DITO.
Maari rin itong mapanood sa GMA Network app.