
Kabilang si Kapuso singer and actress Rita Daniela sa musical adaptation ng Maynila sa mga Kuko ng Liwanag kung saan gaganapan niya ang karakter na si Perla.
Ang batikang direktor na si Joel Lamangan ang magdidirehe ng musical.
Hindi ito ang unang pagkakataon na makakatrabaho ni Rita si direk Joel pero nakakaramdam pa rin siya ng kaunting kaba at pressure.
"He's really hands-on. I'm really excited but still so nervous kasi never pa ko napagalitan ni direk Joel. Ayokong mapagalitan sa part na 'to kasi nakakatrabaho ko siya sa soap. Nakatrabaho ko din siya sa movie and nakatrabaho ko din siya sa musical," paglalarawan ni Rita sa direktor sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
'Perfectionist' daw kasi si direk Joel pero itinuturing niya itong challenge para ma-improve ang kanyang pag-arte.
"Masaya katrabaho si direk Joel kasi pagka hindi kayo nagta-trabaho, sobrang chill niyang tao eh. Masaya siyang kasama. Napaka bait ni direk Joel. 'Yun lang talaga, kailangan mo lang talaga 'pag trabaho sa kanya, trabaho. Kaya masaya, kasi minsan kung ikaw complacent ka tapos makikita mo siyang ganun, siyempre magle-level up ka 'di ba? 'Yun 'yung maganda kasi hindi mo napapansin na nai-improve ka niya," paliwanag nito.
Itatanghal ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag sa Kia Theatre simula September 30 hanggang October 6.
Bukod dito, tampok din si Rita bilang isa sa mga unang performers na mapapanood sa Spot Light—ang bagong exclusive online feature ng GMA Records na dapat abangan sa mga susunod na buwan.