
Hindi sanay sa bashers ang nagbabalik-showbiz na si Samantha Lopez na dating kilala bilang si Gracia ng Eat Bulaga.
Naikuwento ng Kapuso star sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com na nakatanggap daw siya ng death threat sa social media. “May nag-message sa akin na minumura ako sa Instagram ko [at] meron ding nagpadala sa akin, I guess death threat nga iyon na, ‘Huwag kang magpapakita sa akin, papatayin kita!’”
“First time ko kasing gumanap ng ganitong katindi na kontrabida na mala-halimaw, talagang masamang-masama,” bahagi ng Kapuso kontrabida na gumaganap bilang si Daphne sa The Stepdaughters.
Tila first time rin ni Samantha na mabatikos, “Siguro nanibago lang ako kasi matagal akong nawala. Nanibago ako kasi maybe because of social media. Back then, wala namang Facebook, TV lang so hindi naman nakakaabot sa atin kung ano ang mga tunay na reaksyon ng mga tao.”
Dahil naninibago ang aktres na nawala sa showbiz nang halos 15 na taon, kinonsulta niya ang Executive Producer ng kanilang show kung paano haharapin ang sitwasyon.
“Maganda naman ‘yung in-advise niya. Nag-reply ako na gumaganap lang ako ng isang karakter,” paliwanag ni Samantha sa basher na nanakot sa kanya.
Nagpasalamat siya sa lahat ng naniniwala sa kanyang kakayahan bilang aktres, “Unang-una, kay Arnold Vegafria, my manager for the opportunity, and for believing and trusting in me. Siyempre, sa Channel 7, Ma’am Redgie [Magno] at sa lahat ng mga bumubuo ng The Stepdaughters.”
Nagpasalamat din siya sa suporta na natatanggap niya mula sa Kapuso viewers, “Of course, sa mga manonood na I guess, effective nga [ang pagganap ko] kasi naapektuhan sila [at] naiinis sila sa akin. Nagpapasalamat ako kay Daphne, sa role na ginagampanan ko dahil bumalik ‘yung passion ko sa pag-arte.”