
May extension ang Pasko, pati na ang Bagong Taon sa ika-pitong linggo ng 'Christmas Cartoon Festival Presents!'
Apat na animated holiday specials ang hatid nito bawat umaga.
Sa January 4, samahan ang cucumber na si Larry at kamatis na si Bob sa Veggie Tales: Merry Larry and the True Light of Christmas. Sina Larry at Bob ang in-charge sa Christmas display ng mall kaya pinagbutihan nila ang pag-aayos dito. Pero dahil sa kagustuhan ni Larry na tumulong sa isang batang babae, kukunin niya ang mga decor at ibibigay dito. Paano na ang Christmas mall display nila?
Two-part special na A Snow White Christmas naman ang mapapanood sa January 5 at 6. Muling mabubuhay ang Wicked Queen sa mismong araw ng Pasko at babalutin niya ng matinding snow at yelo ang buong kaharian. Makakatakas naman si Snow White, ang anak ng orihinal na Snow White, at makikituloy sa bahay ng pitong higante. Magtutulungan sila para maibalik ang kaharian sa dati at tuluyang magapi ang Wicked Queen.
Samahan naman ang cute at matulunging kuliglig na si Cricket Crocket sa Cricket on the Hearth sa January 7. Base ito sa novella ng English writer na si Charles Dickens na may parehong pamagat. Dahil Pasko, magtatrabaho ang toymaker na si Caleb at anak niyang si Bertha sa isang toy shop. Pero mapapansin ni Cricket Crocket na mapagsamantala ang kanilang boss kaya susubukan niyang iligtas ang mag-ama mula rito.
Isa pang Charles Dickens adaptation ang mapapanood sa Mr. Magoo's Christmas Carol sa January 8. Base naman ito sa novella na A Christmas Carol. Si Mr. Magoo ang gaganap bilang Scrooge sa musical production nila. Pero dahil sa problema niya sa paningin, male-late siya at magiging sanhi pa ng aksidente ng kanilang direktor. Maging matagumpay kaya ang kanilang Christmas stage play?
Patuloy na panoorin ang mga animated specials na ito sa ika-pito at huling linggo ng 'Christmas Cartoon Festival Presents' Lunes hanggang Biyernes, 8:00 a.m. sa GMA-7.