
Hindi na napigilan ni Patricia Javier na ipahayag ang kanyang pagkadismaya sa isang basher na laging tinitira ang asawa niyang si Rob Walcher, na isang chiropractor.
Below the belt na raw umano ang mga paratang ng basher na hindi niya pinangalanan.
“For the past eight years, we have this consistent basher na laging may sinasabi kay Doc Rob na hindi maganda. Siyempre, asawa niya ako, masakit para sa akin yun kasi ako ang nagdala sa asawa ko rito. Sabi ko nga po, yung pamba-bash niya po sa amin for the past eight years, siguro kailangan pasalamatan ko siya dahil sa ginagawa niya, mas prino-promote niya kami,” sabi ni Patricia sa isang press conference na ginanap noong Biyernes, April 19.
Diniin din ng aktres na lehitimo ang chiropractic clinics ng kanyang asawa dito sa Pilipinas.
Paliwanag niya, “Alam naman po natin na lahat po ng ginagawa natin dito sa Pilipinas ay legit. Hindi po kami makakapagbukas ng clinic kung [wala kaming] license.
“Ako po mismo ang pumupunta sa mga munisipyo. Ako po ang pumupunta sa mga department para makakuha ng clearance sa chiropractic practice dito sa Pilipinas, sa PITAHC o Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care.
“Kaya kapag sinasabi nila, 'Bakit wala kayong PRC?' Kasi nga po, hindi po kami part nun. Alternative medicine po kami kaya sa PITAHC po kami kumukuha ng license.”
Kaya naman sa huli, pakiusap niya sa mga naninira sa kanyang asawa at sa mga chiropractic clinic nito.
“Kaya huwag kaming i-bash, na tinatawag kaming doctor quack quack, ang sakit po nun. Kasi, yung asawa ko, nag-aral po 'yan ng eight to nine years, tinapos niya ang pagiging doctor, ang pagiging chiro. Kaya masakit po sa amin na ibato yung ganun, na hindi maganda,” aniya.
Sa ngayon, wala pa raw planong magsampa ng pormal na reklamo si Patricia laban sa naturang basher. Sa halip, sinusubukan daw ng aktres at ng kanyang pamilya na ipagkibit-balikat na lamang ang patuloy na pamba-bash na kanilang natatanggap.
“I don't read. Minsan mas maganda na hindi natin alam kung ano ang sinasabi sa atin. We just have to continue yung mga gusto nating gawin buhay na makakatulong sa kapwa natin.”
Taong 2016 nang unang magbukas ng chiropractic clinic si Doc Rob sa Pilipinas. Sa ngayon, may lima na siyang clinic dito sa Metro Manila at isa sa Cavite.
RELATED GALLERY: Meet Patricia Javier's husband, Dr. Rob Walcher
Samantala, personal, choice daw ni Patricia na isantabi muna ang kanyang showbiz career para tulungan si Doc Rob sa kanyang clinics.
Paglalahad niya, “Alam n'yo po, yung asawa ko po, palagi niya po akong [sinasabihan], 'Asawa, don't forget who you are.' Kaso nga lang po, ngayon po yung stage na parang very hands-on po ako sa clinics namin. Gusto ko po muna na lahat maging maayos po 'yan.
“At kung mayroon pa po talaga akong natitirang oras, gusto kong i-continue ang aking pag-aartista, kung may magandang offer na movies o teleserye.”
Nilinaw rin niya na hindi naman siya pinipigilan ng kanyang asawa.
“Siya pa nga po ang nagsasabi sa akin na, 'Asawa, I married Patricia Javier, the actress. Where is she?' Minsan binibiro po niya ako. Wala po akong problema doon. Siguro ngayon lang po [ang kulang] ay yung time," pagtatapos ni Patricia.