
Masayang ibinalita ni Buboy Villar ang pagsilang ng ikalawang anak nila ng kanyang partner na si Angillyn Gorospe.
Sa episode ng Tunay na Buhay na umere noong September 11, nabanggit ang panganganak ni Angillyn sa baby boy na si George Michael Villar noong August 31 sa Los Angeles, California.
Ngunit bakit nga ba napiling manganak ni Angillyn sa Amerika?
Sa pamamagitan ng video call, naipaliwanag ng partner ni Buboy kung bakit niya kinailangang pumunta sa Amerika.
“Naging kritikal po [ang kondisyon ko] kaya dito po ako nagbuntis sa States,” sabi niya habang kausap ang partner niyang si Buboy at ang Tunay na Buhay host na si Pia Archangel.
Sa ngayon, hindi pa raw alam ni Angillyn kung kailan sila makakauwi sa Pilipinas ng kanilang baby boy.
“Depende po yun sa doctor ng baby boy ko, kapag nag-go signal sila, saka po ako uuwi at kapag naayos na yung papeles ng panganay ko rin.”
Ang tinutukoy niya ay ang two-year-old daughter nila ni Buboy na si Vlanz Karollyn, na nasa piling ng Kapuso actor.
Buboy Villar celebrates second birthday of his little princess
Sa kabila ng malayong distansya, tila hindi naman nito naaapektuhan ang pagmamahalan nina Buboy at Angillyn.
Ayon sa huli, “Hindi naman po, sanay naman po kami mag-LDR [long distance relationship].”
Isang mensahe naman ang ibinigay ni Buboy sa kanyang partner bago matapos ang kanilang pag-uusap.
Aniya, “Hindi ako mahilig mag-sweet talk pero lagi kang mag-iingat. Lagi akong nandito sa likod mo. I love you.”
Panoorin ang buong episode ng Tunay na Buhay tampok si Buboy Villar dito: