
“Kabetchi. Naranasan ko rin, 'day! Mahirap, 'neng!”
Ito ang naging pahayag ni Aiai Delas Alas nang mapag-usapan ang mainit na showbiz controversy sa panayam sa kanya ng ilang piling entertainment media nitong October 29.
Noon pa man ay laging bukas si Aiai sa kanyang mga nakaraang relasyon.
Ngayon, kahit kasal na sa kanyang asawang si Gerald Sibayan, hindi pa rin itinatago ni Comedy Queen Aiai ang dating pagiging “kabit” niya.
Ang tinukoy niya ay ang naging relasyon niya sa dating kinakasamang si Miguel Vera, ama ng kanyang dalawang anak na sina Nicolo at Sophia.
“Doon lang naman ako nakaranas maging kabite city.
“Pero siyempre, yung pagiging kabite city ko, hindi ko pa rin naman alam.
“Alam ko na noong huli pero gino ko pa rin, so mali pa rin ako,” paglilinaw ni Aiai.
Ayon pa sa kanya, pitong taon din ang itinagal ng kanilang relasyon.
Dagdag pag-amin pa niya, “Cryola ako nang cryola. Mahirap! Siyempre, kung ano lang yung time para sa 'yo.”
Ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit naisipan niyang itigil na ang relasyon nila ng dating partner.
Ani Aiai, “Kasi, wala ka rin naman peace, e. Hindi rin naman siya sa 'yo umuuwi, doon [sa tunay na asawa] pa rin naman siya umuuwi.
“Hindi ko naman kaya yung ganun kaya huwag na lang.
“May mga bata rin kasi at parang di rin naaasikaso noong maliliit pa sila. Huwag na lang din.
“Mas okey na yung maging magkaibigan kami, tahimik, hindi ako nakukunsensya.”
Bagamat nakawala na sa ganitong klaseng sitwasyon, agad namang pinaalalahanan ni Aiai ang mga tao na huwag agad-agad husgahan ang mga kabit.
Aniya, “Alam mo kasi, sa totoo lang, mga tao lang din kami.
“At saka mahirap kapag nandoon ka na sa sitwasyon na 'yon, lalo na kapag minahal mo na 'yong tao.
“Mahirap kumawala sa taong mahal mo. Kahit gusto mo, ang hirap-hirap, di ba?
“Di ba, sa Tulfo na nga lang, ang dami-raming binubugbog. Ang tanong natin, 'E, bakit gusto mo pa rin? Bakit sumasama ka pa rin?' 'E, kasi mahal ko.'
“Mahirap i-explain 'yong 'kasi mahal ko,' 'kasi gusto ko buo yung pamilya naming,' na kahit escabeche ka, gusto mo buo pa rin kayo. Mahirap ipaliwanag 'yon.
“Kabaliwan, pero mahirap ipaliwanag kapag hindi ka nandoon sa sitwasyon na 'yon.
“Totoo 'yon, na kapag wala ka sa sitwasyon, mahirap ipaliwanag.
“Huwag tayong mag-judge kasi wala naman tayo sa sitwasyon na 'yon.”
At para naman sa mga taong nagmamahal ng may asawa na, nagbigay ng mensahe si Aiai.
“Siguro i-try n'yo na lang huwag maging ganun. Siguro i-try n'yo na lang na huwag.
“Kung maaaring iwasan, iwasan na lang.
“Kasi, siyempre, sabi nga nila, bawat pagpatak ng luha ng legal na asawa, yun yung pagbabayaran mo.
“So ako, tingin ko marami akong pinagbayaran,” pagtatapos ni Aiai.