
Mapapanood ngayong Martes ang episode ng Family Feud kung saan kasama ang namayapang stand-up comedian na si Didong Dumadag.
Matatandaan na nakapag-taping at guesting pa si Didong sa nasabing game show noong August 9 bago siya pumanaw kinabukasan nito, August 10, Sabado.
Hemorrhagic stroke ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ni Didong sa edad na 47.
Kasama ni Didong na naglaro sa Family Feud ang kapwa niya komedyante mula sa Vice Comedy Club na sina Mitch Montecarlo, Makki Lucino, at Jovie Singson.
Kalaban naman nila ang team The Bakclowns na binubuo naman ng mga stand-up comedian ng Clowns Republik na sina Pepita Curtis, Ian Red, EJ Salamante, at Regina Otic.
Sa social media, naglabas ng tribute poster ang Family Feud para magbigay galang kay Didong at sa mga naulila nito.
“In loving memory of Didong Dumadag. This episode honors a life well-lived, filled with love and happiness,” caption sa post ng Family Feud.
Samantala, manood ng Family Feud, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 p.m. sa GMA. Puwede rin itong mapanood sa official Family Feud Facebook page at may livestreaming worldwide via the official YouTube channel ng Family Feud at Kapuso Stream
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Pinoy comedians na pumanaw na