
Sa pagbubukas ng Bagong Taon, K-drama na puno ng ambisyon ang hatid ng GMA Heart of Asia.
Simula January 4, mapapanood na bawat umaga ang South Korean romance drama na Fates and Furies.
Kuwento ito ng apat na taong pinagbuklod ng ambisyon at paghihiganti.
Kokontratahin ni Theo (Lee Ki-woo) si Hera (Lee Min-Jung) na nakawin ang puso ni Gino (Joo Sang-Wook) mula kay Suzy (So E-Hyun).
Baon sa utang si Hera dahil sa naluging gawaan ng pekeng sapatos ng kanyang yumaong ama. Bukod dito, nasa ospital pa ang kanyang nakakatandang kapatid.
Papayag siya sa gusto ni Theo, kapalit ang malaking halaga ng pera na mag-aahon ng shop at makakapagpatuloy ng pagpapagamot ng kanyang comatose na kapatid.
Puno ng poot ang puso ni Theo, na ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante, sa reporter at herederang si Suzy. Dati silang magkarelasyon at may naging anak pa pero inabandona sila nito matapos ma-engage kay Gino.
Si Gino naman ang pangalawang anak ng pamilyang may ari ng Gold Group, isang sikat na shoe brand. Ipinagkasundo siya kay Suzy ng kanilang mga pamilya. Gayunpaman, mahuhulog din ang loob niya kay Hera dahil sa angking talino, ganda at husay nito sa negosyo.
Ano ang kahihinatnan ng apat na taong pinagbuhol-buhol ng tadhana dala ng kanilang mga ambisyon?
Buksan ang 2021 kasama ang Fates and Furies, simula January 4, Lunes hanggang Sabado bago ang Eat Bulaga sa GMA.
Samantala, mas kilalanin pa ang mga karakter ng serye sa gallery na ito: