
Patuloy na umaarangkada ang Pinoy talent sa Amerika kabilang na ang mga singer na sina Kaylee Shimizu at Jason Arcilla na nakapasa sa blind auditions ng singing competition na The Voice.
Si Kaylee ay 17 taong gulang na Filipino-American na nakatira sa Hawaii. Inawit ni Kaylee sa kaniyang blind auditions ang kantang “Golden Slumbers” ng The Beatles.
Dito ay napaikot ng dalagang Fil-Am singer ang apat na coaches na sina John Legend, Gwen Stefani, Reba McEntire, at Niall Horan.
Kuwento ni Kaylee, bata pa lamang ay sanay na siyang kumanta gamit ang karaoke na impluwensiya ng kaniyang pamilyang Pinoy.
Aniya, “I grew up singing karaoke... Filipino family. So I've been singing for my whole life.”
Matapos naman ang masugid na panliligaw ng apat na coaches, pinili ni Kaylee na maging coach ang “All of Me” hitmaker na si John.
KILALANIN ANG COACHES NG THE VOICE GENERATIONS SA PILIPINAS, DITO:
Samantala, bukod kay Kaylee, isa pang Pinoy na si Jason ang nakapag-secure ng kaniyang puwesto sa The Voice.
Si Jason ay 34 taong gulang mula sa Maui. Siyam na buwang gulang pa lamang daw noon si Jason nang umalis sa Pilipinas ang kaniyang mga magulang at piniling manirahan sa Amerika.
Sa blind auditions, inawit ni Jason ang ”Dreams” by Fleetwood Mac. Espesyal umano sa singer ang awiting ito na nagpapaalala sa kaniyang ina at sa kaniyang kabataan. Aniya, “It's just a really good song that touches my heart.”
Ayon sa report ng NBC, 14 taong gulang pa lamang si Jason ay nakapag-produce na ito ng kaniyang mga kanta ngunit maaga rin itong natigil nang siya ay magkaanak.
Ang American Singer-Songwriter na si Gwen ang nakakuha kay Jason upang mapabilang sa kaniyang team.
Samantala, napapanood naman sa Pilipinas at maging sa buong Asya via GMA Network ang The Voice Generations. Ito ang newest spin-off ng The Voice mula sa ITV Studios.
Pinangungunahan nito ng host na si Dingdong Dantes, at ang apat na superstar coaches na sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, Stell, at Chito Miranda.
Mapapanood ang The Voice Generations tuwing Linggo, 7:35 p.m. pagkatapos ng BBLGANG sa GMA.