
Mapapanood na mamayang hapon ang pagtatapos ng hit family drama na Cruz vs. Cruz na pinagbibidahan nina Vina Morales, Neil Ryan Sese, at Gladys Reyes.
Sa teaser na inilabas ng GMA Network ngayong Sabado, ipinasilip ang matinding eksena sa pagitan nina Felma (Vina Morales), Manuel (Neil Ryan Sese), at Hazel (Gladys Reyes).
Ipinakita rin dito na makukuha ni Hazel ang kanyang gusto, ngunit matatapos na ba ang gulo?
Bago ang finale ng Cruz vs. Cruz, ibinahagi ng lead stars sa kanilang interview sa Unang Hirit na sila'y nakakaramdam ng sepanx sa nalalapit na pagtatapos ng serye.
"Nase-sepanx na nga kami, nararamdaman na namin," ani Vina.
Dagdag pa ni Neil, "Sa totoo lang, siyempre, 'yun nga sabi ni Ms. Vina na nakaka-sepanx dahil ang tagal naming magkakasama dito sa show tas napamahal na kami sa mga characters namin at saka sa isa't isa dahil sobrang saya talaga nung set namin, para na kaming pamilya dito."
Ibinahagi naman ni Gladys kung papaano ang masayang bond ng cast off-cam.
Aniya, "It comes out naturally, hindi na namin kailangan umeffort. Kumbaga, nasa tent kami, kumakain, nagse-share ng food tapos kwentuhan."
Huwag palampasin ang pagtatapos ng Cruz vs. Cruz mamayang 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.
RELATED GALLERY: The cast of 'Cruz vs. Cruz' stuns in blue at the GMA Afternoon Prime Media Day