
Mas titindi pa ang mga eksena at kaganapan sa finale ng hit Afternoon Prime series na Mommy Dearest, lalo na ngayong alam na ng lahat ang totoong pagkatao ni Jade, na ginagampanan ni Camille Prats.
Sa panayam ni Aubrey Carampel sa mga bida ng GMA Afternoon Prime series na sina sina Katrina Halili, Shayne Sava, at Camille Prats, inamin ng tatlo na magiging mas matindi paang mga tagpo sa huling dalawang araw ng serye.
“Hanggang sa huli, talagang hindi mapipigilan si Olive. Pero abangan po nila kung paano,” sabi ni Katrina.
Dagdag ni Shayne, “Kung paano ako pag-aagawan.”
“Kung paano siya pag-aagawan, at kung ano ba ang deserve na mangyari kay Olive,” sabi naman ni Camille.
Hindi naging biro para kay Camille ang naturang serye lalo na at dual roles ang ginampamnan niyang mga karakter na si Olive at si Jade. Ayon kay Camille, nakakabaliw ang pagganap niya sa dalawang roles.
“Baliw na nga si Olive, nabaliw pa lalo u'ng dumagdag si Jade. But you know, masaya din. Masaya din kasi siyempre 'yung creative side ng pagiging artista, nalalaro talaga,” sabi ng aktres.
Samantala, naging inspirasyon naman ni Katrina Halili ang anak na si Katie para gampanan ang kaniyang karakter na si Emma, ang tunay na ina ni Mookie na ginagampanan naman ni Shayne Sava.
“Nakatulong sa'kin si Mookie dahil nakakaawa talaga, mas nadadala, ta's magaling, magaling siya katrabaho,” sabi ni Katrina.
Dahil tapos na ang taping, mami-miss daw nila ang nabuong samahan at pagkakaibigan sa set, kasama ang iba pang cast ng serye.
Ani Camille, “Balak namin siyang ituloy na kahit off-cam e magkaroon kami ng time na magsama-sama kasi talagang very precious 'yung friendship na nabuo talaga namin.”
Ipinahayag din ni Shayne Sava kung gaano siya kasaya na nagkaroon siya ng dalawang ate kina Camille at Katrina, na handang magbigay ng payo at paggabay sa kaniya.
“Lalo na po about life, about my finances, kasi siyempre po, pinagdaanan din nila 'yung mga pinagdaanan ko so talagang mga ate ko po talaga sila,” sabi ng young actress.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA BEHIND-THE-SCENES SA NAGANAP NA PHOTOSHOOT PARA SA 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Ngayong tapos na ang serye, balik muna sina Camille at Katrina sa kanilang mommy duties. Sa katunayan, sa appreciation post ni Camille kamakailan lang sa Instagram, sinabi niyang hihinto muna siya pansamantala sa sa paggawa ng mga serye.
“One of the things siguro, Mars, that I want to prioritize at this point in my life is to be more present in the family,” sabi ni Camille.
Habang si Katrina, gusto munang magkaroon ng mas maraming oras kasama si Katie.
Panoorin ang panayam kina Camille, Katrina, at Shayne dito: