Article Inside Page
Showbiz News
Lalong tumitindi ang mga emosyon ng mga karakter sa GMA Telebabad series na 'Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw'. Kahit na may galit ang pamilya ni Yago at pamilya ni Carmela sa isa’t isa, mas nananaig pa rin ang emosyong nadarama nila para sa isa’t isa. Sa unang pagkakataon, hinalikan ni Yago si Carmela.

Lalong tumitindi ang mga emosyon ng mga karakter sa GMA Telebabad series na
Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw. Kahit na may galit ang pamilya ni Yago at pamilya ni Carmela sa isa’t isa, mas nananaig pa rin ang emosyong nadarama nila para sa isa’t isa. Sa unang pagkakataon, hinalikan ni Yago si Carmela.
Ating balikan ang mga pangyayaring nagdala sa dalawang karakter sa nakakakilig na eksenang ito. Nagsimula ang lahat sa isang makahulugang usapan sa pagitan nina Carmela at Yago.
Binanggit ni Yago na si Carmela lamang ang kanyang inaalala dahil galit sa kanya ang mga tao sa Sta. Maria. Tinanong naman siya ni Carmela kung galit si Yago sa mga ginawa niya. Nakakainis mang isipin, hindi naman daw magawang magalit ni Yago kay Carmela kahit ano pa ang kanyang gawin.
Sinabihan naman ni Carmela si Yago na huwag magasalita ng ganoon. Sa tingin niya ay pasensyoso lamang si Yago, ngunit mauubos din ang kanyang pasensya. Tinanong naman ni Yago si Carmela kung may balak siyang ubusin ang kanyang pasensya. Itinanong din niya kung bakit tuwing magkausap sila ay hindi siya matignan ng diretso ni Carmela.
Hinawakan ni Yago ang mukha ni Carmela at tinitigan siya. Umiwas si Carmela. Nawala ang tensiyon nang magpasama si Carmela kay Yago na puntahan si Janine. Alam na kasi ni Carmela na magkapatid sila at nais niyang mas makilala ang kanyang nakababatang kapatid.
Walang pag-aatubiling sinamahan ni Yago si Carmela kay Janine. Niyakap ni Carmela si Janine, ngunit hindi maganda ang pagtanggap nito sa kanya. Napagsabihan pa nito si Carmela ng mga masasakit na salita. Gayunpaman, tanggap ito ni Carmela.
Matapos ang usapan nina Carmela at Janine, nagpresenta si Yago na ihatid si Carmela sa bahay. Pumayag naman si Carmela. Sumabay siya sa motor ni Yago at napagtanto niya na nadarama niya ang tunay na kasiyahan kapag kasama niya si Yago. Nalulungkot siya dahil alam niyang hindi ito magtatagal dahil magkaaway ang kanilang mga pamilya.
Nagulat si Carmela nang dalhin siya ni Yago sa pinuntahan nilang lugar noon, kung saan sariwa ang hangin, maraming puno at wala masyadong tao.
Doon na nasabi ni Carmela na kailangang tigilan na nila ni Yago ang kung anu mang meron sila dahil walang patutunguhan ang kanilang relasyon. Tinanong siya ni Yago kung ano ang kanilang relasyon. Sinabi ni Carmela na magkaibigan sila, isang relasyong hindi puwede dahil hindi gusto ng mga pamilya nila ang isa’t isa.
Ayon kay Yago, wala siyang pakialam sa mga ganitong pangyayari at ayaw niyang pakawalan si Carmela. Idinahilan naman ni Carmela na bata pa si Yago kaya ganito siya mag-isip. Pinayuhan siya ng dalaga na isipin na lamang ang kanyang sarili.
Itinanong naman ng binata kung importante ba para kay Carmela ang mga nadarama niya. Laging iniisip ni Yago kung maayos siya at kung kailangan niya ng tulong. Masisisi ba siya kung ayaw niyang pakawalan si Carmela? Idinagdag ni Yago na kung Hari lamang siya, matagal na niyang pinasunod si Carmela sa gusto niya. Ilalayo niya si Carmela sa lugar na iyon at sa pamilya Torres.
Tugon naman ni Carmela na hindi Hari si Yago at kaya niyang pangalagaan ang kanyang sarili. Inamin naman ni Yago na kung kaya ni Carmela ang kanyang sarili, siya naman ay hindi. Hindi niya kayang hindi makita si Carmela. Takot siya. Hindi siya kasing tapang o lakas ni Carmela. Duwag siya, dahil mahal niya si Carmela.
Dito na nagkatinginan sa mata sina Carmela at Yago. Matapos ng nakakakilig na pangyayaring ito, unti-unting inilapit ni Yago ang mukha niya kay Carmela at hinalikan ang pinakamagandang babae sa mundong ibabaw. Magkahawak ng kamay ang dalawa habang naghahalikan at kitang kita ang pagmamahal ng dalawang karakter para sa isa’t isa.
Lalo pang kinilig ang mga manonood nang sumabay ang theme song ng show na inawit ni James Wright, ang “Sana’y Ikaw”.
Ano kaya ang susunod na kabanata sa istorya nina Carmela at Yago? Tunay nga kayang para sila sa isa’t isa?
Huwag palampasin ang
Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw pagkatapos ng
Kambal Sirena sa GMA Telebabad.
-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com