
Kamakailan lang, nag-viral ang announcement at ang scene drop nina Alden Richards at Julia Montes para sa first-ever movie nilang Five Breakups and a Romance.
Sa kasalukuyan, pinag-uusapan naman ang ilan pang pagpapasilip sa ilang detalye tungkol sa upcoming film nina Alden at Julia.
Nito lamang Sabado, September 16, inilabas na ang official teaser video at poster ng romance-drama film na Five Breakups and a Romance.
Sa official teaser video, matutunghayan ang ilang nakakakilig at mapanakit na mga eksena ng Kapuso actor at Kapamilya actress.
Si Alden ay mapapanood sa movie bilang si Lance, habang si Julia naman ay gaganap bilang si Justine.
Sa unang parte ng video, ipinaliwanag ni Lance ang tungkol sa “Quantum Entanglement,” kung saan kapag raw entangled, mayroong epekto sa isa't isa ang dalawang particle, kahit gaano man sila kalayo sa isa't isa.
Sa huling parte naman nito, sinabi naman ng karakter ni Julia na si Justine na tila hindi raw siya naniniwala sa mga ganitong bagay.
Panoorin ang official teaser video ng pelikula sa ibaba:
Bukod dito, inilabas na rin ang official poster ng pelikula.
Ang Five Breakups and a Romance ay isinulat at idinirek ni Direk Irene Villamor.
Sa October 18, mapapanood na sa lahat ng cinemas nationwide ang kauna-unahang pagtatambal nina Alden at Julia.