
Sa pambihirang pagkakataon, nagkasama ang tinaguriang matinee idols ng local showbiz na sina Gabby Concepcion at Albert Martinez sa media conference ng Gabay Guro kahapon, October 11.
Dahil dito, hindi naiwasan ni Gabay Guro chairperson ang mapa-throwback at tanungin si Albert kung totoong siya ang unang naging boyfriend ni Megastar Sharon Cuneta.
“Mr. Albert, di ba, totoo yun? Nabasa ko 'yan dati, e,” sabi ni Chaye kay Albert, na tikom ang bibig at tumatawa lang.
Natatawa lang din ang dating asawa ni Sharon na si Gabby, na nilinaw pang, “Bati na kami, ha.”
Nag-thumbs up naman si Albert bilang pagsang-ayon sa kapwa aktor.
Pakatapos ay tinaning ni Chaye si Gabby, na sumagot ng, “Hindi. Sila ni Snooky [Serna].”
Hindi pa rito natapos ang pangungulit ng Gabay Guro executive kaya natatawang hirit ni Albert, “Mali yata itong event na napasukan ko. Akala ko Gabay Guro ito. Naiba yata yung show.”
Bagamat hindi ito tuwirang sinagot ni Albert, matatandaan na dati na niyang kinumpirma ang tungkol sa nakaraan nila ni Sharon.
Ayon sa panayam niya noon sa PEP.ph, unang nakilala ni Albert ang singer-actress sa GMA Supershow, kung kalian sikat na sikat ang kanta noon ni Sharon na “Mr. DJ.”
“'Tapos, we were offered to do yung first movie nila ni Gabby, yung Dear Heart [1981]. Kaya lang, hindi ako pinayagan ni Mother Lily, ibinigay sa akin yung Bata Pa Si Sabel [1981]. Nagpalit kami ni Gabby, kasi dapat siya ang partner ni Snooky. While nasa Vigan ako, ginagawa niya ang Dear Heart. Naging girlfriend na niya [Gabby] si Sharon, naging girlfriend ko si Snooky.”
Sa kabilang banda, nilinaw naman noon ni Sharon sa isang Facebook post na “puppy love” lamang ang namagitan sa kanila ni Albert.
Aniya, “Albert Martinez [phone pal puppy love only], then my first real love, Gabby. Then Rowell. Back to Gabby.”
Sa October 27, gaganapin ang reunion concert nina Sharon at Gabby na pinamagatang Dear Heart.
TINGNAN ANG MULING PAGSASAMA NINA GABBY AT SHARON:
Samantala, madali raw nakumbinsi sina Gabby at Albert na dumalo sa press conference ng Gabay Guro dahil matagal na nila itong sinusuportahan. Sa katunayan, ilang beses na rin nakapag-perform dito ang una.
Subalit sa gaganaping programa sa Sabado, October 14, parehong hindi makakasama ang dalawang aktor dahil may nauna na silang commitment. Kaya naman hindi na sila nagdalawang-isip nang imbitahan sila ni Chaye sa press conference.
“It's our way of paying it forward para sa lahat ng blessings na nakukuha namin. It's our way to give back,” sabi ni Albert.
Isang dahilan din sa paulit-ulit niyang pagsama sa proyektong ito ang reaksiyong nakikita niya mula sa mga guro.
“Personally, yung makita ko yung smiles [nila], it makes me happy deep inside. One way or the other, napasaya ko sila kasi I know what they're going through. And yung moment na yun, na nakita kami, it gives them joy and, sa akin, more than enough na yun.”
Ganito rin ang naging pahayag ni Gabby, na lumaki sa kanyang ina na isa ring guro.
Aniya, “This is the giving back from the blessings or success of the company. This is our way of giving back also, walang limit yun hanggang sa gusto ng puso mo. Kaya hindi mawawala yun, kasi every time we shoot anything, we still have a job, yun ang pagpapasalamat namin.”
Ang tema ng selebrasyon ng Gabay Guro ngayong taon ay "Pagpupugay at Pasasalamat Kay Ma'am at Sir."
Ito ay dadaluhan ng iba't ibang celebrities na maghahandog ng saya at entertainment sa mga guro. Magkakaroon din ng special raffle kung saan may chance manalo ang mga dadalong guro ng gift certificates, gift packs, cash prizes, at isang SUV.
Ito ay isang hybrid event kung saan 250 pre-selected teachers ang mabibigyan ng pagkakataong panoorin ang programa sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound ngayong Sabado, October 14. Kasabay nito ay ang live stream ng programa para mapanood ng iba pang mga guro sa buong bansa.