
Maraming fans ng noo'y reel at real life couple na sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta ang naghihintay sa kanilang reunion film ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito natuloy.
Ayon kay Gabby, maraming dahilan kung bakit wala pa rin silang pelikula ni Sharon hanggang ngayon. Isa raw sa mga ito ang kanyang commitment sa highest day-time drama show na Ika-6 Na Utos. "Tuloy-tuloy 'yung Ika-6 Na Utos. Kung wala na akong gagawin puwede na," pahayag niya.
Bukod pa rito, hindi raw kumbinsido si Gabby sa istorya ng dapat sana'y magiging comeback film nila ng kanyang dating asawa. Aniya, "Walang istorya. Kasi gusto kong makabasa ng script bago ako tumanggap. Wala akong naiuwing istorya, puro synopsis."
Si Gabby daw ang isa sa magiging producers ng pelikula kaya't talaga mapili siya. "Sabi ko, natatakot ako d'yan. Ang ganda kasi abroad 'yon, sa Italy. First time mangyayari 'yon ang ganda sana. Puwedeng i-develop so nag-contribute ako ng mga kaunting eksena [ngunit] hindi naman na-incorporate so tinanggihan ko," saad niya.
Pero ang isa sa pinakamabigat na dahilan ay gusto ni Gabby na maging loyal sa kanyang home network na GMA. "Kapipirma ko lang [ng exclusive contract] sa [GMA] 7. Nahihiya ako sa [GMA] 7 na gagawa ako sa iba. I just felt na ayokong mawala ang momentum na kauumpisa lang namin, tapos bigla akong gagawa sa iba," paliwanag niya.
"Hindi ko hinihindian 'yung movie. Gusto kong gawin talaga because matagal nang hinihingi ng fans," paglilinaw ng Ika-6 Na Utos star.