
Matapos ipakilala sina Garrett Bolden, Arabelle Dela Cruz, at Thea Astley bilang kampeon ng The Veiled Musician Philippines nitong Linggo sa All-Out Sundays, ano na nga ba ang gameplan nila sa nalalapit na Veiled Cup Korea para maiuwi ang panalo?
Sa pagbisita nina Garrett at Arabelle sa Fast Talk with Boy Abunda kasama ang judge na si Julie Anne San Jose nitong Martes, November 11, inamin ng dalawang kampeon kung papaano sila nahirapan sa naturang patimpalak.
“Well, ako, nahirapan ako nu'ng una kasi it's the first competition na sinalihan ko ulit after a long time since The Clash and parang nag-start ako ulit sumali ng competitions so 'yung kaba, grabe,” sabi ni Garrett.
Hindi rin umano nila kilala ang kanilang mga kalaban. Ani Garrett, may nakita lang siyang ilan sa audition, ngunit hindi naman sila sigurado kung nakapasok ba ang mga iyon.
“Kaya po nung nagkakita-kita kami, na-shock din kami, 'Tayo-tayo pala,'” saad ni Arabelle.
KILALANIN ANG ILAN SA MGA POWERHOUSE SINGERS NG GMA NETWORK SA GALLERY NA ITO:
Nang hingin naman ni King of Talk Boy Abunda ang kanilang game plan para maiuwi ang panalo, sinabi ni Arabelle na gagawin lang niya ang natural na singing style niya.
“Sa dinami-rami po siguro ng sinalihan ko, 'yung ano lang, e, gawin ko lang kung paano talaga 'yung singing style ko, 'yung authenticity nu'ng performance, 'yun po talaga. Tapos 'yung preparation in terms of 'yung sa song choice po talaga, e,” sabi ng singer.
Pagbabahagi naman ni Garrett, meron na silang listahan ngayon ng mga kanta na pagpipilian nila. Isa sa mga paghahandang gagawin ng Kapuso Soul Balladeer ay pag interpret ng mga awitin na pipiliin at kakantahin niya para sa kompetisyon.
Naniniwala naman si Judge Julie na nararapat sina Garrett, Arabelle, at Thea sa kanilang mga panalo at makilala hindi lang sa loob ng Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa.