
Bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, May 20, ang isa sa newly-signed Sparkle artists at batikang aktor na si Gary Estrada.
Ito ang unang beses na muling na-interview ng King of Talk na si Boy Abunda si Gary matapos ang maraming taon.
Bukod sa excitement sa new chapter ng kaniyang career bilang isang Sparkle actor, binalikan ni Gary ang naging pagsisimula niya sa showbusiness noon.
Matatandaan na munang pinasok ni Gary ang modeling noong siya ay edad 16 at nang siya ay maging 19 taong gulang na ay saka siya pumasok sa pag-aartista kung saan kinilala siya bilang isa sa heartthrobs noong '90s.
Sa panayam ni Boy kay Gary, tinanong niya ang aktor kung minsan ba ay nakatanggap ito ng indecent proposals dahil sa pagiging sexy actor.
“Indecent proposals? Nabastos ka ba?” tanong ni Boy kay Gary.
Natatawang sagot ni Gary, “Funny, no one really offered me. Kaya nga na-o-offend ako, e.”
Biro pa niya, “Walang nag-alok sa akin kahit sino. Sabi ko, iniisip ko ngayon Tito Boy going back at it, 'Pangit ba ako? Hindi ba ako sexy? Kahit papa'no may laman naman ng konti ang utak ko,' pero wala talaga.”
Pero yon pa kay Gary, “Siguro I guess, because siyempre, I came from the Ejercito Estrada kaya siguro ilag sila kasi alam nilang brusko ang pamilya namin. So, kapag nga ang inaway mo medyo ilag sila kasi alam nila na mahaba 'yung pisi kumbaga marami kami.”
“Nao-offend nga ako e. Bakit nga ba wala?” dagdag pa niya.
Si Gary Estrada ay kasal sa aktres na si Bernadette Allyson. Sila ay may tatlong anak na babae na sina Garielle Bernice, Garianna Beatrice at Gianna Bettina. Si Gary ay may anak din sa dating aktres na si Cheska Diaz, ito ay ang aktor na si Kiko Estrada.
RELATED GALLERY: LOOK: '90s action heartthrobs that made you swoon