
Dahil sa hindi mapigilang demand ng mga fans, opisyal nang inanunsyo na ang SexBomb Girls ay magkakaroon ng extension para sa kanilang reunion concert series.
Habang may 'rAWnd 3' pang naghihintay sa mga fans sa darating na February, inanunsyo na ni Sexbomb leader na si Rochelle Pangilinan-Solinap na hindi pa rito matatapos ang concert series ng kanilang girl group.
Inanunsyo ito ni Rochelle noong Miyerkules, January 7, sa kanyang Instagram, kalakip ng poster ng third installment ng kanilang concert na 'rAWnd 3' ngunit burado na ng isang crossmark ang salitang 'Finale'.
“Hindi pa tapos ang laban,” sulat pa ni Rochelle sa kanyang caption.
Maraming fans ang agad nag-react sa post na ito mula kay Rochelle at may ilang nagpahayag ng kanilang excitement sa extension ng sold-out concert mula sa iconic all-female dance group ng bansa.
“Longest Concert Series mala Daisy Siete, hanggang rawnd 26 etooo! Let's Gooo, Ate, Let's Go Sexbomb Girls,” comment ng isang fan.
“Ang lakas ng sexbomb , grabe! Paabutin hanggang Rawnd 10. Walang mag wo-world tour hangga't dipa nakakapanood ang lahat sa Pinas,” ani pa ng isang fan.
Bagama't may 'teaser' na sa mga susunod na concert days, wala pang detalyeng inilalabas Sexbomb Girls tungkol dito.
Gaganapin ang 'Get Get Aw! rAWnd 3' sa February 6, 2026, sa Mall of Asia Arena.
Inanunsyo rin na magkakaroon ng isang special 360-degree stage setup sa nasabing venue upang mas masiguro ang kakaibang concert experience para sa lahat ng mga manonood.
Related Gallery: Sexbomb Girls light up Aramneta with nostalgic Get Get Aw! Reunion concert