
Nagbigay ng pahayag si Gladys Reyes tungkol sa kontrobersyal na alitan diumano ng kaniyang mga kaibigang sina Claudine Barretto at Angelu de Leon.
Nagsimula kasi ang alitan sa sinabi ni Claudine na gusto niyang muling makatrabaho sina Judy Ann Santos at Gladys, ngunit hindi si Angelu. Nangyari ito sa ika-20 anibersaryo nina Gladys at asawa niyang si Christopher Roxas.
Sa pagbisita ni Gladys sa Fast Talk With Boy Abunda, kasama ang Heart of Music co-star niyang si Angel Guardian, tinanong ni King of Talk Boy Abunda si Gladys kung ano ang masasabi niya ssa alitan ng mga kaibigan.
Paliwanag ng aktres, may sarili siyang relasyon kina Claudine, Angelu, at maging kay Judy Ann Santos at Carmi Martin. Kaya naman, kung ano man ang alitan ng kaniyang mga kaibigan ay pinipili niyang huwag nang sumali dito.
“Ito 'yung mga kaibigan ko talaga dito sa business ng matagal na panahon. Kung ano man 'yung hindi nila pagkakaunawaan, kasi hindi ko alam ano pinagmulan nu'n, hindi ko alam kung ano rin 'yung dulo nu'n, kaya ang hirap po na pati du'n sasali ka. So hindi, hindi, hindi po ako sumasali pagdating po sa mga ganu'n,” sabi ni Gladys.
Pagpapatuloy pa ng Cruz Vs Cruz actress, may sarili silang pagkakaintindihan ng kaniyang mga kaibigan kaya naman, kahit matagal na hindi nagkita ay nananatili pa rin ang pagkakaunawaan at pagkakaibigan nila.
BALIKAN ANG STAR-STUDDED RENEWAL OF VOWS NINA GLADYS REYES AT CHRISTOPHER ROXAS SA GALLERY NA ITO:
Noong August 1, 2024, matatandaan na nagsalita rin si Angelu tungkol sa naturang isyu nang bumisita siya sa parehong GMA Afternoon Prime talk show. Dito, tinanong ng batikang host kung nagkaayos na ba sila ng kaibigan.
Ani Angelu, “Wala pang pagkakataon pero umaasa pa rin ako na darating 'yung panahon na 'yon.”
Samantala, sa hiwalay na interview sa showbiz vlogger at talent manager na si Ogie DIaz noong April 2024, sinabi ni Claudine na pinagsisihan niya ang sinabi tungkol kay Angelu.
Panoorin ang panayam kina Gladys at Angel dito: