
Sa kabila ng pagiging batikang kontrabida ng aktres na si Gladys Reyes, inamin niya sa Fast Talk with Boy Abunda na naiiyak lamang sa totoong buhay pagdating sa mga “kontrabida” o problemang kanyang hinaharap.
Sa episode ng naturang programa, muling nagkita ang TV host na si Boy Abunda at si Gladys para sa isang masayang interview. Isa sa kanilang napag-usapan ay ang pagiging kontrabida ng aktres at kung paano niya ito nadadala pagdating sa totoong buhay.
“Minsan ang mga kontrabida sa buhay ay walang kinalaman sa isang tao o sa external, ika nga. Minsan ang mga kontrabida ay nasa loob natin, we have our own insecurities, our weaknesses na nagdidikta minsan kung paano tayo kumikilos,” ani Boy.
“Gladys, 'pag dumadating sa buhay mo 'yung mga moments kung saan may mga kontrabida ka sa loob ng halimbawa sa pakiramdam mo sa iyong puso, anong ginagawa mo?” tanong niya kay Gladys.
“Naiiyak ako, Tito Boy,” sagot naman ni Gladys.
Paliwanag niya, “Kasi ako sa totoong buhay, hindi ako 'yung napapanood nila na kapag nagagalit, maingay, sumisigaw o nagtataray. Kapag galit na galit ako, mas naiiyak ako sa galit, 'yun ako Tito Boy.”
“Minsan ang sama ng loob ko, ang sama ng pakiramdam ko, naiiyak ako sa galit talaga. Pero kapag naiyak ko na 'yun Tito Boy, maya-maya okay na ako,” dagdag pa ng aktres.
Ayon pa kay Gladys, hindi rin niya naiiwasan na talagang makapagsalita sa tuwing nagagalit pero kapag tumindi na ang kanyang emosyon at talagang nauuwi na siya sa pag-iyak.
“Siyempre nagsasalita rin ako, hindi ko rin mapigilan pero naiiyak talaga ako sa sobrang galit,” anang aktres.
Samantala, mapapanood naman si Gladys sa dalawang Summer Metro Manila Film Festival film entries na Here Comes the Groom at Apag, na mapapanood sa mga sinehan hanggang April 18.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.