
Isa ang seasoned star na si Gladys Reyes sa nakatanggap ng pagkilala sa naganap na 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards kamakailan.
Kabilang ang Cruz vs. Cruz star sa mga pinarangalan bilang FAMAS Child Icon of Philippine Cinema. Sa Instagram, labis ang pasasalamat ng aktres sa FAMAS Awards dahil sa kanyang natanggap na pagkilala.
“Nagsimula akong umarte sa pelikula at telebisyon ng pitong taon pa lang ako, nakasama ang pinakamahuhusay na aktor ng kani-kanilang henerasyon, (ilan sa kanila kasama ko kagabi) at mapalad na nakatrabaho ang ilan sa mga premyado at kinikilalang mga direktor.
“Ngayon ay nasa ika-apat na dekada na ako sa industriyang patuloy na yumayakap at nagmamahal sa akin. Salamat po Ama sa biyaya at pagpapalang ito,” sulat niya.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Gladys ang photo kasama sina Judy Ann Santos at Ice Seguerra, na mga pinangaralan din ng FAMAS Child Icon Award.
Samantala, kasalukuyang bumibida si Gladys Reyes bilang Hazel sa GMA Afternoon Prime series na Cruz vs. Cruz.