
Muling umarangkada ang mag-duo na sina Glaiza De Castro at JM Yrreverre, at sila na naman ang nakasungkit ng spotlight sa dance floor sa Stars on the Floor.
Sa August 23 episode ng program, nagwagi muli sina Glaiza at JM bilang 7th top dance star duo matapos ang kanilang nakakatindig-balahibong performance na nagpakita ng Pinoy Pride.
Sa kanilang krump performance, dama ang bigat at emosyon ng bawat galaw dahil si Glaiza ay gumanap bilang isang aswang o nagsilbing inner demon ni JM.
Nakaharap nila sa dance showdown ang mag-duo na sina VXON Patrick at Kakai Almeda.
Sa Instagram, nagpasalamat si Glaiza sa kaniyang ka-duo na si JM at sa kanilang coach na si Coach LA Bagtas. Bukod dito, ibinahagi rin niya ang kaniyang paghanga sa husay at dedikasyon ni JM.
"Sa totoo lang kada episode na gagawin namin hindi talaga ako halos makatulog dahil sa pressure. Lalo na ang husay ng ka partner ko," pag-amin nito.
Ngunit, sabi ni Glaiza na isang blessing na makasama si JM sa kaniyang journey sa Stars on the Floor dahil "nakakahawa ang dedication niya sa craft niya."
"Ramdam ko yung fire niya kaya siguro una ko palang siyang nakita nasabi ko na siya ang gusto kong maka partner. At ngayon na ibinigay sa akin wala akong ibang dapat gawin kundi mag pursige gaya ng pag pupursige niya. Kasi worth it naman lahat," dagdag pa ng aktres.
Ito na ang pangalawang beses na nasungkit nina Glaiza at JM ang panalo sa kompetisyon. Ang una nilang pagkapanalo ay mula sa isang emosyonal na interpretative dance performance na gumamit ng props na hagdan.
Patuloy na tutukan ang mas nag-iinit pang performances at challenges sa Stars on the Floor tuwing Sabado, 7:15 p.m. sa GMA.
RELATED GALLERY: Top dance star duos who brought the heat on Stars on the Floor