
Kapwa nag-uwi ng parangal ang dalawang stars ng GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre na sina Glaiza De Castro at Kelvin Miranda sa katatapos lang na NDM+ Acting Awards 2026, na ginanap noong February 17, 2026.
Ayon sa NDM Studios, ang organisasyong nasa likod ng parangal, ang seremonya ay nagsisilbing paalala ng “power of performance,” bilang pagkilala sa husay ng mga artistang nagpamalas ng matinding disiplina at dedikasyon sa kanilang sining.
“The NDM+ Acting Awards 2026 stands as a tribute to the power of performance—honoring artists whose talent, discipline, and unwavering dedication elevate storytelling to its highest form,” they wrote.
Nakamit ni Glaiza ang parangal bilang “Best Actress” sa kanyang mahusay na pagganap bilang si “Paola” sa musical-drama film na Sinagtala.
Ayon sa kanya, espesyal ang pelikulang ito dahil ito raw ang huling pelikula niya na napanood ng kanyang ama bago ito pumanaw.
Isa rin sa mga rason kung bakit mahalaga ang pelikulang ito kay Glaiza ay dahil ang sariling ama rin ang nagturo sa kanya awitin ang mga kanta sa naturang pelikula.
Sa ilalim ng direksyon ni Mike E. Sandejas, kasama ni Glaiza sa pelikula ang mga tanyag na bituin ng GMA na sina Rhian Ramos, Rayver Cruz, at Matt Lozano, kasama ang aktres na si Arci Muñoz.
Sa kabilang banda, wagi naman bilang “Best Supporting Actor” si Kelvin sa kanyang pagganap bilang si “Jacob” sa pelikulang Everyone Knows Every Juan.
Kasama naman niya rito ang ilan sa mga beteranong artista tulad nina Edu Manzano, Joel Torre, Gina Alajar, Ruby Ruiz, Ronnie Lazaro, JM de Guzman. Ito ay idinirehe ng aktres na si Alessandra de Rossi.
Sa kanilang panayam sa programang Saksi, ibinahagi nina Glaiza at Kelvin ang kanilang excitement sa mga susunod na mangyayari sa kanilang serye na Encantadia Chronicles: Sang'gre dahil sa 'big reunion' ng mga karakter dito.
“Nakita natin ang muling pagkabuhay ni Pirena, at kung paano niya muling ipagtatanggol ang Encantadia at ang kanyang mga hadiya at ang kanyang mga anak,” sabi ni Glaiza.
“Excited ako sa magiging plot talaga. Kumbaga, dinadala na kami doon, habang paunti-unting dinadala sa amin 'yung script, and habang sinu-shoot namin 'yung iba, nare-reveal sa amin na talagang mas pinaghahandaan 'yung istorya ng Sang'gre ngayon,” ani Kelvin.
Abangan sina Glaiza de Castro at Kelvin Miranda bilang Sang'gre Pirena at Sang'gre Adamus sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:05 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Related Gallery: 'Encantadia Chronicles: Sang'gre' cast's behind the scenes photos