
Mula sa mga intense na laban hanggang sa mga nakatutuwang eksena, patuloy na kinagigiliwan ng fans si Glaiza De Castro sa GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Isa sa mga ikinaaliw ng viewers ay ang pagpasok ni Pirena sa mundo ng mga tao. Para hanapin ang kanyang hadiya na si Terra (Bianca Umali), kinailangan ng Sang'gre makihalubilo sa mga mortal habang labanin ang mga masasamang kalaban.
Labis ang suporta ng netizens sa bawat eksena ni Pirena, na umaani ng samu't saring positibong reaksyon online.
Sa isang panayam sa Unang Hirit, ipinahayag ni Glaiza ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa serye.
"Talagang nag-uumapaw po ang aking pasasalamat. Actually, lahat po kami, lahat ng bumubuo sa Encantadia Chronicles: Sang'gre dahil alam po ng nakararami na matagal namin itong ginawa. Matagal namin itong pinaghirapan, pula pa 'yung buhok ko dyan kung npapanood n'yo," ani Glaiza.
Dagdag pa niya, "Talagang napakahaba po ng proseso pero worth it po dahil nakakatuwang makita, marinig ang suporta n'yo."
Inamin din ng Kapuso star na nakikita rin niya ang memes at nakakatuwang reaksyon ng netizens sa kanyang iconic scenes. Kagaya ng pag-uukay ni Pirena at paggamit nito ng Gen Z slangs.
"Nakakatuwa kasi comedy rin 'yung comments nila, nakaka-good vibes. Super super witty ang Encantadiks talaga," dagdag niya.
Ngunit hindi lang nakakatawang moments ang pinupusuan, dahil maging ang fight scenes ni Glaiza ay umaani ng papuri. Isa na rito ang laban niya sa mga tauhan ni Governor Emil (Ricky Davao), kung saan namangha ang viewers sa kanyang backflip stunts.
"Hindi po talaga sanay 'yung katawan ko to do fight scenes like that. Kasi noong 2016, hindi ganyan ka-intense ba. Kumbaga intense na pero wala mga pa back-flip. Nag-level up ang aming fight scenes,"pagbabahagi ng aktres.
Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na tagpong ito sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV. Mapapanood din ito via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network.
Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
KILALANIN ANG CAST NG ENCANTADIA CHRONICLES: SANG'GRE SA GALLERY NA ITO: