Article Inside Page
Showbiz News
Matagal ding hinintay ni Kapuso actress Glaiza de Castro ang pagkakataong maging isang ina, pero hindi sa totoong buhay kundi sa kanyang pinakabagong teleserye sa GMA, ang 'Dading'.
By AL KENDRICK NOGUERA
PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
Matagal ding hinintay ni Kapuso actress Glaiza de Castro ang pagkakataong maging isang ina, pero hindi sa totoong buhay kundi sa kanyang pinakabagong teleserye sa GMA, ang
Dading.
Kung kinainisan ninyo si Glaiza dahil siya ang gumanap na kontrabidang si Heidi sa local adaptation ng
Temptation of Wife, ngayon naman ay maaawa kayo sa magiging kapalaran ng character niyang si Beth sa
Dading. Sa istorya, si Beth ay magdadalang-tao ngunit iiwan siya ng nakabuntis sa kanya. Siya ngayon ang magtataguyod ng kanyang magiging anak nang mag-isa.
Kuwento ni Glaiza, first time niya raw sumabak sa mother role kaya’t isang malaking challenge ito para sa kanya. “Sobrang challenging kasi sa buong show, mayroon akong anak. Hindi ko pa na-feel 'yung connection. 'Yung connection lang na mayroon ako sa mga bata ay sa mga pamangkin ko. Siyempre iba 'yung instinct ng nanay, iba sila mag-alaga. Iba sila kumonek,” saad niya.
Ayon sa kanya, nang malaman niya ang role ay pinag-aralan niya ito nang mabuti. Aniya, “Naroon ako sa stage na kailangan ko pang mas mag-observe kasi 'yon na lang 'yung source ko para mas ma-imbibe ko 'yung character ko. Para mas mapanindigan ko siya.”
Dagdag pa ni Glaiza, nagtatanong din siya sa mga totoong nanay kung paano ba mag-alaga ng isang bata. “Noong nagte-taping kami, hindi pa ako sanay maghawak [ng baby]. Pero naroon 'yung nanay niya, naka-standby na. Kapag pinapanood ko sila, natututo na 'ko eh. Tapos kapag nagtatanong ako, Ate, paano ba 'to, paano ba maghawak, ganyan. Tapos sabi niya, i-elevate mo 'yung head niya. Tapos iba-iba pala 'yon. Hindi lang siya 'yung tipong hawakan mo lang siya tapos 'yon na 'yon.”
Ikinuwento sa amin ni Glaiza sa first scene niya sa show bilang isang nanay. Bahagi niya, “Nagpapanic ako [noong taping] kapag nagiging wild ‘yung iyak [ng baby] kasi hindi ako maka-concentrate sa eksena. May isang eksena kami na kailangan kong umiyak, tapos umiiyak din siya.”
Pag-amin ni Glaiza, nahihirapan daw siya sa ganitong klaseng role sa umpisa ngunit unti-unti na niyang na-a-appreciate ang mother role. Aniya, habang ine-enjoy niya ang role ay na-realize niya na iminumulat na siya nito sa kanyang future.
“What's good about this role and acting in general is 'yung parang pine-prepare ka niya sa mga mangyayari sa totoong buhay. Ito pala 'yung itsura ko kapag nabuntis ako. Ito pala 'yung magiging responsibilidad ko kapag magkakaanak ako. So it works both ways in reality and sa trabaho ko,” pahayag ni Glaiza.
Abangan si Glaiza de Castro sa pagganap niya sa character ni Beth sa
Dading, ngayong June na sa GMA Afternoon Prime.