
Wala raw magbabago kay Glaiza De Castro kapag kinasal na sila ng kanyang Irish fiancé na si David Rainey.
Ayon sa actress-singer, mananatili siya bansa para ipagpatuloy ang kanyang acting at music career.
Aniya, "I don't think meron akong ile-let go. I think naging klaro ako kay David about it kahit hindi pa s'ya nagpo-propose na hindi ko kayang ma-let go 'yung buhay ko dito."
Nakausap ng GMANetwork.com ang aktres sa virtual press conference ng OC Records, ang record label nina Kean Cipriano at Chynna Ortaleza.
Aminado si Glaiza na magkaibang-magkaiba sila ng nakasanayan ni David pero, paglilinaw niya, hindi naman daw ito hadlang sa kanilang relasyon.
Dugtong ng Kapuso actress, "Pero kaya kong i-welcome 'yung mundo n'ya so para sa 'min, hindi dapat i-compromise ng relationship namin kung ano 'yung gusto naming gawin sa buhay.
"Medyo mahirap lang kasi dalawang mundo, dalawang opposite na countries, magkabilang side ng mundo pero 'yun 'yung exciting about it.
"Kasi mahilig kaming magbuo ng puzzles. Nasa pagbuo kami ng puzzle ngayon so pinagpaplanuhan namin kung anong magiging strategy namin."
Nagpaplano na rin daw sila ni David na mag-invest ng isang cafe business, na itatayo nila sa probinsya ng aktres sa Baler, para may pagkaabalahan ang foreign national kapag ito ay nasa bansa.
Bahagi ni Glaiza, "Actually, nag-start na rin kami mag-invest ng business dito, sa Baler, actually.
"May pinapagawa rin kaming cafe do'n so isa 'yun sa mga plans namin in the future na kapag andito s'ya, ayun 'yung aasikasuhin n'ya."
Samantala, nag-iisip na rin daw si Glaiza ng maaari niyang pagkaabalahan kapag siya ay bibista sa Ireland.
Maaari raw may kinalaman sa musika dahil naranasan na niyang doon mag-shoot ng kanyang music video para sa kanyang new single na "Bank Holiday" noong nagbakasyon siya roon kamakailan.
Ika niya, "I'm still trying to find my way there kung ano ang pwede since nasimulan na namin through this music video, 'yung pwede kong mga gawin do'n ayon 'yung isa sa mga plano ko na kapag ando'n ako for few months.
"'Di ako magtatagal do'n ng taon, as in, 'di ko rin kaya 'yung lamig tapos 'yung days napaka-short."
Samantala, wala pa raw silang tiyak na plano ni David kung kailan sila magpapakasal dahil sa travel restrictions bunsod ng COVID-19 pandemic.
Magiging abala rin si Glaiza sa kanyang bagong GMA teledrama, ang Nagbabagang Luha, na pagbibidahan nila ni Rayver Cruz.
Paliwanag niya, "Dahil nga medyo mahirap pa tapos 'yung family niya ando'n, 'di ba, pa'no namin dadalhin dito, 'di pa nga nag-o-open 'yung tourism.
"Although ayokong tawagin silang tourists kasi magiging parte na sila ng pamilya ko.
"Ayun, parang hindi naman kami nagmamdali na makasal this year or even next year.
"Parang gusto ko muna naming tapusin lahat ng kailangan naming tapusin sa work, sa business n'ya do'n
"Nasa planning stage pa lang kami, nothing is defninte as of the moment."
Matapos ang kanilang mahigit dalawang taong relasyon, na-engage sina Glaiza at David noong December 2020 nang magbakasyon ang aktres sa Ireland.
Narito ang ilan nilang larawan: