
Sunod-sunod ang aksyon at kaabang-abang na mga eksena sa GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre!
Sa mga nakaraang episode, ipinakitang nabawi na ni Pirena (Glaiza De Castro) ang kanyang Brilyante ng Apoy mula sa kamay ni Olgana (Bianca Manalo).
Maliban dito, tuloy pa rin ang laban ng mga Sang'gre at ng mga Mine-a-ve sa mundo ng mga tao.
Ngunit sa likod ng kamera, puno ng kasiyahan at pagkakaibigan ang cast sa set.
Sa isang panayam kasama ang GMA Integrated News, ibinahagi ni Glaiza ang kanilang behind-the-scenes bonding kasama ang Mine-a-ve cast.
"Magkakasundo po kaming lahat. Si Bianca Manalo bilang Olgana, tinitimplahan ko pa ng kape. Tapos mahilig kaming mag-share ng mga baon namin sa set. Mga kuwentuhan namin na kapag nag-aantay kami during breaks kasi may action scenes din. So pinapalakas ang loob ng isa't isa," kuwento niya.
Katulad ng kanilang mga karakter, madalas ding magkasama at nagkakausap sa set sina Glaiza at Bianca Umali.
May paghanga rin daw ang Kapuso star sa propesyonalismo ni Bianca, na gumaganap bilang Terra.
"Actually si Bianca, alam na niya ang ginagawa niya. Very prepared siya, bago magsimula 'yung taping namin ng Sang'gre, alam na niya kung ano ang gagawin niya," ani Glaiza sa isa pang panayam.
Bilang co-stars, may payo rin si Glaiza para kay Bianca.
"Sinabi ko lang sa kanya na ituloy niya kasi dahil nga po mahaba 'yung journey namin, kailangan niyang kumapit doon sa kung ano 'yung sinimulan niya."
Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na tagpong ito sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network.
Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Samantala, balikan ang ilang behind-the-scene photos ng Encantadia Chronicles: Sang'gre cast sa gallery na ito: