
Puring-puri ang mga aktres na sina Glaiza De Castro at Valerie Concepcion sa kanilang co-star na si Ashley Rivera sa well-loved GMA Afternoon Prime series na The Seed of Love.
Sa director's cut ng episode 77 ng The Seed of Love, pinakita ni Ashley na kaya niya rin mag-drama, malayong-malayo sa napapanood ng mga tao sa kanya online bilang Petra Mahalimuyak.
Bumaliktad na kasi si Frieda (Ashley) at iniwan na ang kanyang kaibigan na si Alexa (Valerie Concepcion). Sa huling paalam ng dalawa, emosyonal na nakiusap si Frieda kay Alexa para sumuko na ito.
Ang hindi alam ni Frieda, tatraydurin at ipapakulong pa rin siya nina Eileen (Glaiza) at Bobby (Mike Tan).
Sa kasunod na episode, pinakita ni Frieda kung gaano siya katigas ngayong nasa loob na siya ng kulungan.
Nang magkaroon ng TikTok live sina Glaiza, Mike Tan, Valerie Concepcion, at Ashley bago ang finale, puring-puri si Glaiza at Valerie sa galing na ipinakita ni Ashley.
Pang-aasar ni Mike, "Makikita niyong umiyak si Ashley!"
Segunda naman ni Glaiza, "Ay, opo! Grabe, iba po, iba po 'yung pagiging aktres ng isang Ashley Rivera. it's her dramatic actress era."
Pagpatol naman ni Ashley, "Binuhos ko talaga lahat doon sa isang episode na 'yon."
Mababalikan ang full episodes ng The Seed of Love sa GMANetwork.com at sa GMA Network App.